Papakawalan na ng Nexplay EVOS mula sa kanilang official roster ang jungler na si Michael “MP the King” Endino. Kasabay ito ng anunsyo ng koponan sa kanilang social media page kung saan binigyang-pugay at nagpasalamat sila sa batang pro.

“We admire your mental fortitude and soul for the game. Your Nexplay family will always be grateful that you’ve worn our brand with pride and enthusiasm,” sulat ng team sa nasabing post.

Credit: Neplay EVOS

Rookie season ni MP the King para sa NXPE

Bagamat debut season niya noong MPL Philippines Season 9, hindi tumupi ang 17-anyos na pro sa pressure na kaakibat ng pagiging jungler sa pinakamataas na lebel ng Mobile Legends sa bansa.

Bilang core player at kapalitan ng beteranong si John Paul “H2wo” Salonga sa NXPE rotation, nagtala ang tubong Iloilo City ng desenteng 3.68 average kills at 3.86 average assists kontra sa 2.32 average deaths.

Credit: Nexplay EVOS

Gayunpaman, hindi nito maisusuma ang potensyal na mayroon si MP the King. Ipinakita ng batang pro ang kakayahan niyang kumamada sa ilang pagkakataon sa regular season, partikular na noong nakaharap nila ang bigating TNC Pro Team ML sa Week 4 Day 2.

Nagtala ang former amateur star mula AP Esports ng 5/1/5 KDA gamit ang Lancelot sa 15-3 dominasyon ng NXPE kontra TNC sa Game 1. At pagkatapos magapi sa Game 2, bumawi siya sa kanyang Karina sa huling laban sa pamamagitan ng pagtala ng 5-1-8 K/D/A sa 18-8 win.


Sa pag-alis ni MP the King sa NXPE linuep, siya na ang susunod na miyembro na kakalas mula sa team pagkatapos nina John Michael “Coach Zico” Dizon, Raniel “URESHIII” Logronio at Kenneth “CADENZA” Castro.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ONIC PH kinumpirmang sasabak pa rin sa MPL PH Season 10