Sasagupain ng kasalukuyang hari ng MPL Philippines na RSG PH ang itinuturing na lason ng torneo na Falcon Esports ng Myanmar sa pagsisimula ng MSC 2022 playoffs ngayong Martes, ika-14 ng Hunyo.
Samantala, ang isa pang kinatawan ng Pinas at defending MSC champion na Smart Omega naman ay babanggain ang kampeon ng Malaysia na Todak.
Sa pagtatapos ng group stage noong Linggo, walong koponan ang pumasok sa MSC 2022 playoffs kabilang na ang RRQ Hoshi, Orange Esports, EVOS SG at RSG SG.
Napagdesisyunan ng Moonton na magsagawa ng draw para sa walong kwalipikadong koponan sa playoffs kung saan lahat sila ay magsisimula sa upper bracket. Narito ang resulta ng naturang draw.
Ang resulta ng draw para sa unang araw ng MSC 2022 playoffs

Haharapin ng MPL PH Season 9 champion ang natatanging non-MPL team na Falcon Esports sa pagsisimula ng unang araw ng MSC 2022 playoffs. Pagkatapos nito, ang kanila namang sister team at MPL SG Season 3 winner na RSG SG ay kakalabanin ang MPL MY Season 9 runner-up na Orange Esports.
Makakatunggali ng MSC 2021 kings mula sa Smart Omega ang MPL MY Season 9 titlist na Todak. Panghuli, maghaharap ang MPL ID Season 9 champ na RRQ Hoshi ang MPL SG Season 3 runner-up na EVOS SG.
Lahat ng laban sa unang bahagi ng playoffs ay best-of-three. Pagkatapos nito ay best-of-five na ang lahat ng serye maliban sa grand finals na best-of-seven.
Narito ang kumpletong schedule para sa unang araw ng MSC 2022 playoffs:

| KOPONAN | SCHEDULE | KOPONAN |
| RSG PH | 12 p.m. GMT +8 | Falcon Esports |
| RSG SG | 2:30 p.m. GMT+8 | Orange Esports |
| Todak | 5:30 p.m. GMT+8 | Smart Omega |
| EVOS SG | 7:30 p.m. GMT+8 | RRQ Hoshi |
Para sa mga balita patungkol sa MSC 2022, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.