Pinangibabawan ng ONIC PH ang mahabang pause at walang humpay na pakikipagbakbakan ng Nexplay EVOS sa play-ins ng MPL PH Season 9.

Kinailangan ang lahat ng mapa ng best-of-five series para maka-abante ang koponang pinangungunahan ni Allen “Baloyskie” Baloy sa upper bracket grand final.

ONIC PH, tinuldukan ang kampanya ng Nexplay EVOS sa MPL PH S9

ONIC PH, nanaig sa five-game series kontra Nexplay EVOS
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Kung anong haba ng technical pause bago magsimula ang laban, gayun naman kabilis tinapos ng Nexplay EVOS ang unang mapa. Bigo ang M3 World Championship runner-ups na mapagana ang UBE strategy na iikot sana sa Estes ni Baloyskie, matapos magpamalas ng malulupit na Iron Hook ang Franco ni Kenneth “Cadenza” Castro.

Halos kalahati naman ng naitalang kills ng Nexplay EVOS ay nagmula sa Karina ni Michael “MP The King” Endino. Dahil dito, hinirang siyang MVP ng unang mapa nang may 13 kills at pitong assists para bunuin ang 83-porsyentong kill participation.

Sa kabila ng kanilang pagkatalo, pumasok ang ONIC PH sa ikalawang mapa ng serye na tila sila ang may hawak ng momentum. Tinapos ng Baxia ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol, Uranus ni Gerald “Dlarskie” Trinchera, at Xavier ni Jaylord “Hate” Gonzales ang laban nang hindi namamatay kahit isang beses.

Nagtulong-tulong din ang tatlo para bunuin ang 18 mula sa kabuuang 22 kills ng kanilang koponan. Nagpatuloy ang pagpapakitang-gilas ni General Dlarskie sa sumunod na mapa, pero bilang Killer Grock naman. Napagana na rin ni Kairi ang Barats, kahit pa muling sumalalay sa Franco ni Cadenza ang Nexplay EVOS.

Nang maitulak ng ONIC PH ang serye sa match point, binangko muna ng koponan ni Setsuna “Akosi Dogie” Ignacio ang rookie na si MP The King para ipasok ang beterano nilang jungler na si John Paul “H2wo” Salonga. Naging epektibo ang desisyong ito dahil napwersa ng Nexplay EVOS ang ikalima at huling mapa ng serye.

ONIC PH, nanaig sa five-game series kontra Nexplay EVOS
Credit: MPL Philippines

Pasado ala-una na nang magsimula ang pangwakas ng unang araw ng playoffs, pero ‘di alintana ng parehong koponan ang pagod at puyat. Higit 18 minuto na nga ang lumipas sa laro pero wala pa rin sa dalawa ang may tiyak na hawak sa kalamangan.

Naka-alpas lang ang ONIC PH matapos nilang maselyo ang Evolved Lord bandang 23-minuto, matapos mapitas ang Esmeralda ni Reiniel “Ureshi” Logronio. Dahil tanging ang base na lang ang natitira para sa Nexplay EVOS, hindi na nila napigilan pa ang pagmartsa nina Kairi.

Natapos sa 5th-6th place ang kampanya ng Nexplay EVOS at mag-uuwi sila ng higit ₱128,000. Samantala, aabante naman ang ONIC PH para harapin ang RSG PH sa upper bracket ng playoffs.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kelra sa selebrasyon matapos ang sweep ng OMG kontra ECHO: ‘Para po kay Yawi ‘yun’