Madaling napasama si Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto sa listahan ng mga pinakamagagaling na jungler sa Pilipinas simula noong makapaglaro siya sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League.

Hinirang siyang Rookie of the Season noong ikawalong season ng liga at malaki rin ang ginampanan niyang papel para makuha ng RSG Philippines ang kampeonato noong sumunod na season.

Kung tutuusin, matibay nang patunay ang dalawang parangal na ito sa kanyang husay sa paglalaro. Pero ayon sa eksklusibong kwento ng Pinoy sa ONE Esports, marami pa ring hindi kumbinsido sa kanyang galing at pinagsisikapan niyang baguhin ang isip ng mga ito.

Ang hangarin ni Demonkite bilang isang MLBB player

RSG PH Demonkite: ‘Hindi ako titigil hangga’t ‘di ko napapatunayan na malakas ako’
Credit: MPL Philippines

Maaaring nagiging mapagkumbaba lang ang 19-taong-gulang na pro nang ibahagi niyang nais niya pang patunayan ang kanyang lakas. Pero kahit natatago ng suot niyang face mask ang kanyang ngiti habang nagpapaliwanag, mararamdaman sa pananalita ng jungler na pursigido siyang matupad ito.

“Hindi ako titigil hanggat ‘di ko napapatunayan sa bawat tao sa buong mundo na malakas talaga ako, hindi lang dahil sa kampi ko or sa environment na meron ako,” ani Demonkite.

Gutom ang nararamdaman ni Demonkite ngayong kinakatawan ng Raiders ang Pilipinas sa MLBB Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022). Gutom hindi para sa pagkain (bagamat masaya siyang nabigyan siya ng pagkakataon na matikman ang mga putahe sa Malaysia), kung hindi sa pakikipagbakbakan.

RSG PH Demonkite: ‘Hindi ako titigil hangga’t ‘di ko napapatunayan na malakas ako’
Photo courtesy of MSC 2022

“Sobrang gutom na gutom talaga ako as in—kulang pa sa akin [ang] mag-champion eh,” paliwanag niya.

Nauna niyang maramdaman ang gigil na patunayan ang kanyang sarili matapos mabigo ang ‘Kingslayers’ sa unang season nila sa liga. Kahit pa kasi nakalusot sila sa regular season, maaaga rin natuldukan ang kanilang kampanya matapos silang walisin ng Nexplay EVOS sa play-ins.

Ang pagkabigong ito ang binabalik-bailkan ni Demonkite tuwing sasabak siya sa panibagong laban. Bago siya umakyat ng stage, naglalaan siya ng oras para pagnilayan ito at klaruhin ang kanyang isipan.

“Kasi noong [MPL PH Season 8] playoffs, first round exit kami, parang marami akong realizations, siguro nadala lang doon,” kwento ng jungler nang tanungin tungkol sa ginagawa niyang paghahanda.

“Parang ’empty your mind.'”

Ang katuparan sa hangarin ni Demonkite

RSG PH Demonkite: ‘Hindi ako titigil hangga’t ‘di ko napapatunayan na malakas ako’
Photo courtesy of MSC 2022

Hindi biro ang ginagawa ni Demonkite para makamit ang kanyang hangarin at maibsan ang iniinda niyang gutom. Madaling sabihin na talentado ang manlalaro pero sa likod ng kanyang mga napagtagumpayan ay ibayong pagsisikap at dedikasyon sa laro.

“Talagang halos lahat ng posibleng gawin para sa MLBB ginagawa ko talaga, like ‘yung mag-review [at] alamin kung saan ako nagkamali sa previous games ko. Talagang pursigido ako na ma-improve pa ‘yung sarili ko,” aniya.

Kung ipagaadya na maagaw ng RSG PH ang titulong ‘Kings of SEA’ mula sa Smart Omega, na nasa Kuala Lumpur din para irepresenta ang Pilipinas sa parehong turneo, susunod na target naman daw ni Demonkite ang M4 World Championship.

Inasahan naming dito na matutupad ang kagustuhan niyang mapatunayan sa lahat ng tao sa buong mundo na siya ay malakas, pero may ibang pang plano si Demonkite:

“May SEA Games pa. SEA Games naman.”


Magpapatuloy ang kampanya nina Demonkite at RSG PH sa upper bracket ng MSC 2022.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Anong meron ang Falcon Esports na wala ang ibang teams sa MSC 2022? Ito ang sagot ni Kenn