Binitawan na ng RSG PH ang mga beteranong manlalaro na sina EJ “Heath” Esperanza at Christian “Iy4knu” Manaog bago pa magsimula ang MPL Philippines Season 10.

Sa kanilang opisyal na Facebook page nitong Martes, ika-12 ng Hulyo, inanunsyo ng kasalukuyang hari ng MPL PH at MSC na hindi na magiging bahagi ang batikang roamer at gold laner ng kanilang active roster sa darating na season kasabay ng paglagay sa dalawa sa transfer list.

“Both of them played a pivotal role in the success of RSG Philippines. We will never forget the fundamentals of the game that they imparted to us and will cherish the moments we’ve spent with them,” pahayag ng organisasyon.

“May you guys never lose passion in whatever path you choose to go. No goodbyes, just see you around. Good luck further.”


Ang karera nila Heath at Iy4knu sa RSG PH

Credit: RSG Philippines

Galing sa Smart Omega at ONIC PH, lumipat sina Heath at Iy4knu sa RSG PH sa pagpasok ng koponan noong magsimula ang franchise system noong MPL PH Season 8.

Malaki ang ginampanan ng dalawang beterano kasama si coach Brian “Panda” Lim sa paggabay sa Raiders patungo sa playoffs at tuluyang 5th-6th place finish sa kanilang unang season sa liga.

Gayunpaman, kinailangan ni Heath na bumaba sa bench role upang bigyang-daan ang pagpasok ni dating TNC roamer Dylan “Light” Catipon pagsapit ng Season 9. Hindi naman nasayang ang kanyang sakripisyo dahil itinanghal na Season MVP si Light at isa sa naging susi para masungkit ng RSG PH ang kampeonato.

Credit: RSG Philippines

Samantala, si Iy4knu naman ay napagdesisyunang magpahinga muna sa Season 9 matapos ang limang season ng paglalaro. Nagbigay-daan ito sa pagpasok ni Eman “EMANN” Sangco sa starting five.

Hindi naman pinalampas ni EMANN ang pagkakataon na magpakitang-gilas at nagpamalas siya ng breakout season kung saan tinulungan niya ang Raiders na pangibabawan ang MSC 2022 at hiranging MVP ng torneo.

Credit: RSG Philippines

Sa ngayon, wala pang balita kung anong koponan ang kukuha kay Heath, na nakapasok sa MPL PH noong Season 2, maging kay Iy4knu, na nakasali naman sa liga noong Season 4.

Ang kasalukuyang roster ng RSG PH

  • Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto (jungler)
  • Dylan “Light” Catipon (roamer)
  • Eman “EMANN” Sangco (gold laner)
  • Arvie “Aqua” Antonio (mid-support)
  • Nathanael “Nathzz” Estrologo (EXP laner)
  • Kenneth Jiane “Kenji” Villa (EXP laner/sub)
  • Dexter “Exort” Martinez (mid-support/sub)
  • Clarense “Kousei” Camilo (gold laner/sub)
  • Elyson “Wrecker” Caranza (mid-support/sub
  • Brian “Panda” Lim (head coach)
  • Karl “Giee” Barrientos (assistant coach)

Para sa mga balita patungkol sa MPL, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.