Maglalaglagan agad ang sister teams na Echo Philippines at Aura Fire ng Indonesia sa ONE Esports MPL Invitational (MPLI) 2021.
Nakatakdang maganap ang sibling war sa pagitan ng Echo at Aura sa unang araw ng MPLI 2021 sa Martes (ikalawa ng Nobyembre), 3:35 ng hapon. Ang dalawang koponan ay pinagtapat ni coach Marsam “Mars” Fakhre ng MPL Indonesia Season 8 champion na Onic Esports sa ginanap na Captain’s Draft nitong Linggo ng gabi.
Bago ito nag-rebrand, ang Echo ay kilala bilang Aura PH matapos kunin ng Indonesian esports organization ang Sunsparks noong Season 6. Matatandaang naglaban din ang sister teams sa nakaraang edisyon ng MPLI kung saan nagwagi ang grupo ng mga Pilipino.
Ang performance ng Echo at Aura sa kani-kanilang liga
Magkamukha ang naging tadhana ng Echo Philippines at Aura Fire sa nakalipas na season ng kani-kanilang Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL).
Nakuha ng Echo ang ikalimang pwesto sa MPL Philippines Season 8 matapos magtala ng 6-8 win-loss record (15-18 games W-L) ngunit maagang nalaglag sa playoffs nang matalo sa kamay ng Smart Omega, 3-1.

Naselyo rin ng Aura ang ikalimang pwesto sa MPL Indonesia S8 nang makapaglista ito ng 7-7 record (14-16 games W-L). Pareho sa Echo, natanggal din agad ang Aura sa unang round ng playoffs matapos makalasap ng mapait na 2-3 defeat sa EVOS Legends.

Kapwa nagtapos sa 5th-6th place ang Echo at Aura sa kani-kanilang franchise leagues.
Hindi kuntento ang Echo sa ganitong placing, lalo na’t sila ay hinirang na two-time MPL PH champs (bilang Sunsparks) noong Season 4 at 5. Kaya naman sinabi ni head coach Michael Angelo “Arcadia” Bocado na matindi ang ginawa nilang paghahanda para masungkit ang kampeonato sa MPLI 2021.
“Since this is a huge tournament, we’re putting up a lot of hard work and sacrifice for this tournament, so expect us to give our best in all of our matches, and even in our preparations,” ani ni Coach Arcadia sa isang panayam kasama ang ONE Esports.
Rafflesia vs God1va tampok sa sibling war sa pagitan ng Echo at Aura

Kaabang-abang ang sibling war sa pagitan ng Echo at Aura sa MPLI 2021 dahil maghaharap ang kani-kanilang star tank/roamer na sila Chan “Rafflesia” Fajura at Erico “God1va”.
Halos parehas ang stats nila Rafflesia at God1va sa nakalipas na MPL season. Nagtala si Rafflesia ng season averages na 6.38 assists, 0.81 kills at 3.38 deaths (2.13 KDA) samantalang si God1va naman ay nakapaglista ng 5.0 assists, 1.66 kills at 5.0 deaths (2.14 KDA).
Bahagyang lamang si God1va sa kill participation (21%) laban kay Rafflesia (20%) pero ‘di maikakailang pareho ang kanilang impact sa kanilang koponan sa pamamagitan ng malulupit nilang initiations pagdating sa team fights at pagkuha ng pickoffs.
Dalawang beses nang nagkampeon si Rafflesia sa MPL Philippines at inaasahan na pangungunahan niya ang Echo sa MPLI. Gayundin ang inaasahan kay God1va na hinirang na Most Improved Player sa MPL ID Season 8 at sumikat sa kanyang roaming Kadita.
Mapapanood ang sibling war sa pagitan ng Echo at Aura maging ang iba pang mga bakbakan sa ONE Esports MPL Invitational sa opisyal na livestreams sa Facebook, TikTok, Twitch, Twitter at YouTube.