Ikinagalak ng SIBOL ang naging resulta ng nagdaang national Mobile Legends: Bang Bang qualifier para sa International Esports Federation 14th World Esports Championship, kung saan nangibabaw ang Blacklist International at MHRKL Esports.

Base sa mga koponang nanalo, tampok ang mga bakbakan sa pagitan ng amateur at professional teams sa nasabing patimpalak. Nabigyang linaw dito ang naging pahayag noon ni Billy “Z4pnu” Alfonso ng Smart Omega patungkol sa tikas ng mga amateur teams sa bansa at kakayahan nilang makipagsabayan sa mga koponan ng ibang rehiyon.

Credit: Blacklist International, MHRLK Esports

Sa naging kampanya ng Blacklist International patungo sa kampeonato, dalawang beses silang naisahan ng amateur team—una ay ang Euphoria Esports noong semifinals at kapwa nila grand finalist na MHRLK Esports sa best-of-three serye.

Tinawag din ni coach Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza ang Minana, na binubuo ng mga dating miyembro ng Cerebrum Esports, bilang “MPL caliber team” matapos nila itong makalaban.

Samantala, ang parehong amateur team na sumelyo sa isa pang slot ng combine din ang tumapos sa kampanya ng ECHO Loud, ang ikalawang stack na isinabak ng MLBB Professional League Philippines (MPL PH) team na ECHO.

May abundance ng MLBB talent sa Pinas, ani SIBOL exec

SIBOL: 'Patunay ang naganap na IESF qualifier sa husay ng Pinoy MLBB teams'
Credit: ONE Esports

Sa panayam ng ONE Esports, ibinahagi ni Jab Escutin, General Manager ng SIBOL, na masaya siyang nagsilbing abenida ang naganap na qualifier para maipamalas ng mga amateur teams ang natatago nilang talento.

“It’s good to know that there are tons and tons of teams that are really competitive to represent the Philippines. Sobrang saya ng outcome kasi… if you want to field the best teams, nakakatakot if we only have a few teams to represent the Philippines,” aniya.

Mandato ng SIBOL na magsagawa ng national qualifier tuwing may international tournament, lalo na kung walang masasagasaang ibang paligsahan. Nawa’y mapukaw daw nito ang atensyon ng mas marami pang koponan na hindi lang sa professional leagues maaaring mahubog ang kanilang karera dahil bukas din ang mga pagkakataon sa kanila para maging isang national athlete.

SIBOL: 'Patunay ang naganap na IESF qualifier sa husay ng Pinoy MLBB teams'
Credit: SEA Games

Ito ang mangyayari ngayon sa MHRLK Esports. Bagamat hindi kabilang sa walong koponan na sumasabak sa MPL PH, makakasama naman nila ang kampeon ng M3 World Championship sa tatlong araw na combine event. Dito aalamin kung sino-sino sa kanila ang bubuo sa susunod na SIBOL na isasabak sa 14th WE Championship bilang kinatawan ng Pilipinas.

“… The outcome for this [qualifier] tells us that we have an abundant talent in the Philippines, especially for MLBB, and that’s really good for us.”

Nakatakdang ganapin ang tatlong araw na MLBB combine simula ika-15 hanggang ika-17 ng Hulyo. Samantala, idaraos naman ang 14th WE Championship sa Disyembre.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Proseso sa pagpili ng MLBB players para sa 14th WE Championship, ibinahagi ng SIBOL