‘Di pinalampas ng Sibol ang mga pasaring ni Michael “MobaZane” Cosgun, ang team captain ng BloodThirstyKings, sa kanyang stream tungkol sa Filipino Mobile Legends: Bang Bang team na nag-uwi ng gintong medalya mula sa 31st Southeast Asian Games (SEA Games).

Sa isang opisyal na pahayag na inalathala sa kanilang social media account, tila pinalagan ng national esports team ng Pilipinas ang mga hamon na inilatag ng Amerikanong Jungler.

Team PH vs Team US? SIBOL naglabas ng pahayag ukol sa mga hirit ni MobaZane
Credit: Sibol

“It has come to our attention that BTK’s Team Captain “MobaZane” has laid out several challenges to Team Sibol Pilipinas during his rant-filled streams,” sulat ng organisasyon.

Pinatutungkulan ng Sibol ang stream ni MobaZane kahapon, ikalawa ng Hunyo, kung saan tinanong siya ng isang viewer kung kaya ba nila ang koponan ng Blacklist International na naglaro sa 31st SEA Games.



“It’d be nice to beat a gold medalist of the SEA Games,” ani MobaZane sa kanyang stream.

Sa parehong pahayag, pinansin din ng Sibol ang mga kuro-kuro patungkol sa kung anong mangyayari kung magharap sa isang laban ang national MLBB team at third-placer ng M3 World Championship.

“There has also been speculation online regarding what would happen in [an] MLBB match between Team Sibol Pilipinas and Team USA. Why don’t we find out?”

Sibol vs BTK sa RMC Season 6 Grand Finals?

Team PH vs Team US? SIBOL naglabas ng pahayag ukol sa mga hirit ni MobaZane
Credit: SEA Games

Tinuldukan ng Sibol ang kanilang pahayag gamit ang bukas na hamon sa Team USA. Ipinabatid nilang dadalo sa realme Mobile Legends Cup (RMC) Season 6 Grand Finals ang koponan bilang special guest at kung nais silang palagan nina MobaZane, alam na ng mga ito kung nasaan sila.

Kasalukuyang nasa Pilipinas ang buong koponan ng BTK. Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports kay MobaZane, ibinahagi niyang isa sa mga dahilan kung bakit sila nasa bansa ay para makipag-scrim.

“I want to see the difference between me coming alone compared to me playing with four other BTK members. We also wanted to scrim with some of the top tier teams in the Philippines, I mean see how we can stack up against them,” paglalahad ng 20-year-old American pro.

Idiniin din ni MobaZane ang kanyang kagustuhan na makaharap ang Sibol:

“I wouldn’t mind trying to compete with the Sibol team and seeing how strong they are because they just won the SEA Games over Indonesia to get that gold medal.”

Team PH vs Team US? SIBOL naglabas ng pahayag ukol sa mga hirit ni MobaZane
Credit: Moonton

Matatandaang nagsimula ang karibalan sa pagitan ng Blacklist International at BTK noong M3 World Championship. Na-upset ng North American team ang pambato ng Pilipinas sa unang round ng upper bracket.

Nakabawi naman ang koponan nina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna nang muling magharap ang dalawa sa lower bracket finals, para makatungtong sa grand final at kalauna’y hirangin bilang ang kampeon ng M3.

Samantala, nakatakda naman ganapin ang RMC Season 6 Grand Finals sa Linggo, ikalima ng Hunyo.


Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ito ang mga balak gawin ni Victor habang nasa habang Pilipinas ang BTK