Marami umanong natutunan sila Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at kanyang mga kasamahan sa Blacklist International mula sa nakakagulat na pagkatalong tinamo nila sa kamay ng BloodThirstyKings sa upper bracket ng M3 World Championship.

Ito ang inilahad ni OhMyV33nus sa post-match interview matapos bawian at ilaglag ng back-to-back MPL Philippines champion ang kanilang karibal na ONIC Esports ng Indonesia sa crowning tournament ng Mobile Legends: Bang Bang.


Natuto sila OhMyV33nus mula sa pagkatalo ng Blacklist sa BTK

Credit: Moonton

Itinuturing na pinakamalaking upset sa M3 sa ngayon ang nangyaring pagkatalo ng Blacklist sa BTK ng North America sa opening match ng M3 upper bracket playoffs.

Ang minarkahang sweep ng nakararami para sa isa sa heavy favorites mula sa Pinas ay nauwi sa ‘di inaasahang deciding Game 5 at tuluyang tagumpay sa panig nila Michael “MobaZane” Cosgun.

Kaya naman nasabi ni OhMyV33nus na marami silang napagtanto mula sa pagkatalo ng Blacklist sa BTK na nagpabagsak sa kanila sa lower bracket.

“Sobrang daming na-open na mata. I mean talagang sobrang eye-opener na natalo kami sa BTK kasi dahil nga madalas kaming manalo, from MPL Season 7 at Season 8, MPLI, MSC, parang lagi kaming nananalo to the point na sabihin na nating nakakalimutan na namin kung bakit nga ba kami naglalaro,” ani ng beteranong captain-support player.

“‘After namin matalo, sobrang nag-usap-usap kami like parang nagkaroon kami ng open forum bakit nga ba kami natalo. And then, doon ulit nabuo kung ano ‘yung meron kami ever since nung mabuo kami as Blacklist.”

Natuto sila OhMyV33nus mula sa pagkatalo ng Blacklist sa BTK
Credit: Moonton

Papunta sa kanilang win-or-go home series laban sa ONIC Esports na tumalo sa kanila sa ONE Esports MPL Invitational, lumabas na mas handa at mas pulido ang galawan ng koponan ng Tier One.

Bagamat umabot sa do-or-die Game 3, napanatili ng mga bata ni coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ang kanilang championship composure para mapatalsik ang ONIC ID.

“Ever since na matalo kami sa BTK, mas triniple, mas tinimes four namin ‘yung effort namin and ‘yung preparation namin kaya sobrang excited kami na maglaro ngayon. And thank God, nanalo kami,” masayang sabi ni OhMyV33nus.


OhMyV33nus nais makaharap muli ang BTK

Credit: Moonton

Matapos makaganti ng Blacklist International sa ONIC Esports, target naman ni OhMyV33nus na magawa ito kontra sa BloodThirstyKings.

Aniya, hindi pa natatalo ang Blacklist nang dalawang beses sa isang koponan, at least sa isang tournament.

“Ever since we came to Blacklist International, we haven’t been defeated by the same team twice. So, I’m looking forward to facing BTK again,” pagdidiin ni “The Queen”.

Sa lower bracket quarterfinals pa ang maaaring pinakamaagang rematch ng BLCK at BTK kung mananalo ang PH representative laban sa Keyd Stars ng Brazil at matalo ang NA squad sa EVOS SG sa upper bracket semifinals.

Nakatakdang harapin ng Blacklist ang Keyd sa best-of-five lower bracket round 3 series sa ika-15 ng Disyembre, alas dos ng hapon. Mapapanood ito sa Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends.

I-like ang ONE Esports Philippines sa Facebook para manatiling updated sa mga kaganapan sa M3.