Ganadong-ganado sa kanilang unang laban ang Team Secret sa VCT PH Stage 2 Playoffs.
Pinakita ng Team Secret sa South Built Esports ang kakaibang level ng Valorant plays nang kunin nila ang series 2-0, kung saan ang dalawang games ay parehong natapos sa score na 13-4.
JessieVash masayang natalo sila ng SBE sa VCT PH Stage 1

Sa post-match interview, ibinahagi ng Team Secret Sova main at series MVP na si Jessie “JessieVash” Cuyco ang kanilang mga pinagdaanan mula noong VCT PH Stage 1. Ikinwento rin niya kung anong klaseng preparasyon ang kanilang ginawa para sa nagdaang match laban sa South Built Esports.
“Pinaghandaan talaga namin sila. We watched their VODs, lahat nang mga latest match nila. Talagang waiting kami na makalaban ulit sila compared sa lahat nang teams,” sabi ni Jessie. “Sila talaga yung target namin this VCT Stage 2.”
Inihayag din ng Sova main ang respeto na meron siya para sa mga katunggali, gayun din ang kanyang saya nang matalo sila ng mga ito sa nakaraang tournament dahil nagsilbi itong inspirasyon upang mas pagbutihin nila ang paglalaro.
“Personally, masaya akong natalo nila kami last time. More challenging para sa’min,” sabi ni JessieVash. “Kaya medyo ganado yung laro ngayon, sila talaga nilu-look up ko.”
Nang tanungin kung may nararamdaman silang pressure o takot na mawala sa tuktok ng kasalukuyang competitive Valorant scene, kumpiyansang sinagot ito ni Jessie, “For me personally, I think Team Secret is back.”

“Masaya akong natalo nung Stage 1 because of what we were doing noon, na naging medyo pabaya kami,” sabi niya. “Compared now, I think we deserve na manalo sa tournament na ‘to. And Feeling ko secured na yun.”
Dahil sa panalong ito ay nasiguro ng Team Secret ang unang slot para sa VCT Asia Pacific Stage 2 Challengers.
Susunod na makakalaban ng Team Secret ang RRQ sa Upper Bracket Finals sa May 28, 11 a.m. GMT+8.
Mapapanood ang mga laban nang live sa official Twitch, YoutTube, at Facebook channel ng PPGL.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.