Malaki ang tiwala ni Kurt “kurtesy” Cinco ng Oasis Gaming na kaya nilang gibain ang South Built Esports sa kanilang pagtatapat sa lower bracket semifinal ng Valorant Champions Tour (VCT) 2022 Stage 2-Challengers Philippines kung saan nakataya ang huling tiket papuntang APAC Challengers.

Inihayag ito ni kurtesy matapos nilang pumukol ng 2-1 reverse sweep kontra Bren Esports sa unang round ng lower bracket sa ikatlong araw ng playoffs.


Confident si kurtesy na matatalo nila ang SBE sa pagkakataong ito

kurtesy ng Oasis Gaming
Credit: PPGL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sa post-match interview, ipinaliwanag ng Sova main ng Oasis kung ano ang naging problema nila sa unang mapa na Haven na nagresulta sa kanilang 5-13 pagkatalo sa kamay ng Bren.

“Personally, I think we were too slow to the point that they had pretty good reads to where we’re gonna go. That I think was really the biggest problem that we had,” saad ni kurtesy, na nag-sub in kay Mark Louis “Ripper” Laguardia sa deciding map na Breeze.

Isang mabigat na mentality reset umano ang ginawa nila kurtesy at OAS upang makaalpas sa kanilang mabagal na panimula at dominahin ang Ascent. Tumikada sila ng 10-2 kalamangan sa first half at hindi na pinabwelo pa ang Bren sa sumunod na rounds.

Credit: PPGL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Pinagpatuloy ng Oasis ang kanilang momentum pagdating ng ikatlong mapa na Breeze kung saan pinigilan nila ang tangka ng Bren na maka-comeback para itala ang 13-9 scoreline.

Umabante ang OAS sa lower bracket semifinal bukas kung saan makakatapat nila ang South Built Esports na pinadapa naman ang Alpha Esports Pro, 2-1.

Matatandaang binawian ng SBE sa pamamagitan ng 2-0 sweep ang OAS sa upper bracket round 1 at sinipa din ng tropa ni Chris “Pro” Martir ang koponan ni kurtesy sa lower bracket semifinal ng Stage 1 PH Challengers patungo sa kampeonato.

Pero tiwala pa rin ang initiator ng Oasis na mananaig sila sa pagkakataong ito, gaya ng pagkapanalo nila sa group stage sa iskor na 2-1.

“I think we’re pretty confident as long as we do the same thing, we have the same mental (strength), as long as we can reset, I think we can win against SBE,” wika niya.

Credit: PPGL

Samantala, ang Team Secret at RRQ PH, na nauna nang makaselyo ng kanilang upuan sa APAC Challengers, ay magsasalpukan sa upper bracket finals.

Mapapanood ang mga laban sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).

Para sa Valorant news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.