Kinuha ng OpTic Gaming ang unang upuan sa Valorant Champions 2022 matapos nilang lampasuhin ang Evil Geniuses, 2-0, sa upper bracket semifinals ng VCT North America Stage 2 Challengers playoffs.

Binawian ng hari ng Masters Reykjavik 2022 ang umuusbong na EG squad, na sinorpresa sa pamamagitan ng 2-1 upset noong Week 4 ng group stage.

Dahil sa kanilang tagumpay sa upper bracket semis, sinelyo ng OpTic Gaming ang at least 3rd-4th place finish na may kaakibat na 65 circuit points. May sumatotal na silang 815 points at sigurado na ang isang spot ng NA para sa kanila sa Valorant Champions na gaganapin sa Setyembre sa Istanbul, Turkey.


Naka-lock na ang OpTic Gaming sa Valorant Champions

Credit: Riot Games

Umarangkada sina Pujan “FNS” Mehta at kanyang mga kakampi sa OpTic Gaming patungo sa 13-5 win sa Breeze at 13-3 victory sa Haven, na isang malaking kabaligtaran ng nangyari sa huli nilang laban kontra Evil Geniuses.

“I would say we were happy, but we were kind of expecting this,” wika ni Jimmy “Marved” Nguyen sa post-match interview. “After the tournament in Europe and all the practice we got, it elevated our game and we’re not really afraid of any opponent anymore.”

Patunay ng dominasyon ng OpTic ang pagpalya ng EG na manalo ng isang round kung saan pareho silang may full buy sa kanilang map pick na Breeze.

Nagpasiklab si Victor “Victor” Wong sa kanyang Jett at Neon sa pamamagitan ng pagtala ng 43 kills at 11 first bloods sa dalawang mapa. At sa inabangang Chamber battle sa pagitan nila Jaccob “yay” Whiteaker at Kelden “Boostio” Puppelo, nanaig ang star player ng Green Wall, 6-4, sa kanilang mga duwelo.

Victor OpTic Gaming
Credit: Riot Games

Pero si in-game leader FNS talaga ang talagang nag-stand out matapos niyang dominahin si EG star at isa sa top performers ng group stage na si Alexander “jawgemo” Mor sa iskor na 9-1.

Hindi na babagsak pa ang OpTic Gaming sa ilalim ng second place sa NA circuit points standings kaya naman sigurado na ang kanilang spot sa Champions. Ang kasalakuyang second place na The Guard, na nanalo sa Stage 1 Challengers, ay may 220 points.

Sunod nilang kakalabanin ang XSET sa upper bracket finals sa ika-25 ng Hunyo.

Para sa Valorant news, guides at highlights, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Ito’y pagsasalin ng artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.