Sinelyo ng OpTic Gaming ang kanilang spot sa playoffs ng VCT Stage 2 Masters Copenhagen matapos nilang walisin ang kinatawan ng Latin America na KRU Esports.

Nagpakitang-gilas sa kanilang panalo ang controller na si Jimmy “Marved” Nguyen na nagtala ng 48/24/13 KDA at malupit na 41 percent headshot rate.

Nagsilbing palaruan ng 22-taong-gulang ang Split, kung saan kumana siya ng 29 kills para matulungan ang OpTic na bumwelta mula sa 5-7 na pagkakadehado at maipanalo ang walong sunod-sunod na rounds, at kalauna’y pati ang mapa, bilang defender.

Nagpatuloy ang pamamayagpag ni Marved pagtapak sa Haven. Sinubukan pa nga niyang gumawa ng teleport play sa huling round nang isang miyembro ng KRU na lang ang natitira.

“I was just trying to style on them,” pag-amin niya sa post-match press conference. “I was just trying to do whatever because I was in the zone.”

Si Marved ang kumatawan sa kahulugan ng hard carry

Pinopormahan lang daw ni OpTic Marved ang KRU matapos magtala ng MVP performance
Credit: Riot Games

Ang Canadian player ang may gawa ng ilan sa mga pinaka-memorable na performance sa mga nakalipas na LAN. Sa Masters Reykjavik 2022, nagtala rin siya ng bagong kill record sa isang mapa, matapos sumelyo ng 35 kills sa Haven kontra Zeta Division.

Nang sumalalay ang kanilang kampanya kontra KRU, tiniyak ni Marved na hindi sila ang uuwing luhaan. Pinangibabawan ng OpTic ang unang bahagi ng Haven sa round score na 10-2 para hindi na makabawi ang kanilang kalaban.

Kahit pa lamang sa mga miyembro ang KRU, bigo ang mga ito na masarado ang round. Sa Round 12, napunta si Marved sa isang 1v3 situation, kung saan napapalibutan siya ng mga KRU players sa C site.

Hindi nagpatinag ang pambato ng North America sa back site at isa-isang inuluhan ang tatlong players na nagpakita sa kanya.



Nakakuha ng ilang rounds sa ikalawang half ng mapa ang koponan mula LATAM, pero nanatiling matikas ang Green Wall. Kalauna’y sinelyo na ng OpTic ang mapa sa iskor na 13-6 para maka-abante sa playoffs.

Kapansin-pansing hindi nawala sa kanyang zone si Marved sa kahabaan ng serye. “I was feeling it that match,” sambit niya. “I liked the angles I was holding. Whatever angle I was holding, I was confident I would get the kill. I was playing a little more aggressive because I was feeling it.”



Sa huling round, sinubukan niyang gamitin ang Shrouded Step ni Omen para mag-teleport sa taas ng B site at matalunan si Joaquín Ignacio “delz1k” Espinoza Soto, ang huling player sa side ng KRU. Bagamat hindi siya nagtagumpay sa kanyang play, nasarado naman ni Pujan “FNS” Mehta ang round at ang serye.

Sa kabila ng pagtatangkang ito ni Marved, nilinaw ni FNS na sineseryoso ng OpTic ang kanilang mga laban. “There was no ‘just have fun and play,’ never any of that with us,” paliwanag niya.

“We’ve lost too many Haven comeback games. We understand that this game could easily be turned around. You have to get to 13.”

Nasa upper bracket final na ng playoffs ngayon ang OpTic Gaming. Haharapin nila ang pambato ng Asia Pacific na Paper Rex sa ika-22 ng Hulyo, sa ganap na ika-11 ng gabi.

Mapapanood ang mga bakbakan sa Masters Copenhagen sa opisyal na Twitch at YouTube channels ng Valorant.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.

BASAHIN: OpTic nakaligtas sa kinatatakutang DRX, yay nagbagsak ng 20 first kills