Tagumpay ang Team Secret sa pagbawi ng korona bilang top Valorant team sa Pinas sa nagdaang VCT PH Stage 2 Playoffs.
Pinatunayan ng Secret sa kanilang Grand Finals match laban sa Oasis Gaming na sila ang pinakamalakas na team sa bansa at ang nararapat na tanghaling kampeon ng tournament.
Team Secret kampeon ng VCT PH Stage 2 Challengers

Unang game pa lang, mainit na ang palitan ng putok ng dalawang koponan sa Icebox. Hawak ng Oasis Gaming ang lamang sa kahabaan ng game hanggang sa mahabol ito ng Secret sa Round 24, na nagresulta sa apat na overtime, hanggang sa kunin ng Team Secret ang Game 1 sa isang comeback win 17-15.
Hindi hamak na naging mas mabilis namang natapos ang ikalawang game sa Ascent, kung saan nasa panig ng Secret ang momentum na nagamit nila upang ipanalo ang Game 2 sa score na 13-9.
Sa Breeze naman ay pinaalala ng Oasis ang dahilan kung bakit sila nakaabot sa finals. Sa kabila ng dikit na laban at bahagyang paglamang ng Secret sa ikalawang bahagi ng game ay pinakita nila sa lahat na kaya nilang pumalag sa mga tinaguriang hari ng PH Valorant sa pamamagitan ng pagkuha sa game 13-10.
Haven ang naging huling entablado para sa dalawang teams, kung saan maagang kumuha ng lamang ang Secret hanggang sa matapos ang unang half sa isang nagbabantang 9-3 curse. Ngunit hindi naging mabisa ang sumpa dahil tinapos ng Team Secret ang laban 13-6 upang kunin ang huling game ng series at maging kampeon ng VCT PH Stage 2 Challengers.
Team Secret maglalaro sa VCT APAC Stage 2 Challengers

Sa post-match interview, tinanong ang duelist main ng Team Secret na si Jayvee “DubsteP” Paguirigan tungkol sa kanilang planong paghahanda sa paparating na VCT APAC Stage 2 Challengers.
“We would train harder for sure, because the competition will get tougher from here,” sabi ni DubsteP. “We will keep the pace, we will keep doing what we’re doing best.”
Inihayag din ni DubsteP sa lahat kung gaano kapursigidong manalo ang kanyang team sa kabila ng mga kinaharap nitong pagsubok lalo na noong Stage 1 at kung paano nila ito nilampasan. “Every time we win, we train harder, we fix our mistakes.”
Pinasalamatan din niya ang kanilang mga tagahanga, kaibigan, at pamilya na walang sawang sumuporta sa kanila, manalo man o matalo. Nanawagan din siya sa lahat na suportahan, hindi lang ang kanyang team, kung hindi lahat nang Pinoy na maglalaro sa nakatakdang VCT APAC Stage 2 Challengers.
“I hope you can continue to support not only us but the other two Philippine team for the APAC region as well.”
Makakasama ng Secret sa nalalapit na APAC Challengers ang Oasis Gaming at RRQ.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.