Opisyal nang nagsimula ang roster rebuild ng Sentinels.

Inanunsyo ng North American organization na kukunin nila ang dating XSET coach na si Don “SyykoNT” Muir bilang head coach ng team, habang ang dating coach naman ng Ghost Gaming na si Adam “kaplan” Kaplan ang magiging strategic coach ng roster.

Nagpasya rin ang team na magpaalam kay Shane “Rawkus” Flaherty, na naging bahagi ng team mula pa noong May ng taon na ito. Ipinasok din si Rawkus para sa Valorant Champions 2021 run ng team noong nakaraang taon.

Ang 28-anyos ay kasalukuyang naghahanap ng oportunidad sa isang franchised team o sa mga kasali sa Challengers league.

Sentinels sinimulan ang roster rebuild sa mga coaches na sina SyykoNT at Kaplan

Sa ilalim ng pamumuno ng coach na si SyykoNT at in-game leader na si Rory “dephh” Jackson, nakilala ang XSET bilang isa sa mga pinakamahuhusay na teams sa North America, sumusunod lamang sa OpTic Gaming. Nagwagi ang team sa VCT NA Stage 2 Challengers, kung saan tinalo nila ang OpTic 3-1 sa grand final.

Tinapos ng XSET ang kanilang season sa isang respetableng top-six finish sa Valorant Champions 2022, na tila ba pangbawi sa kanilang hindi kagandahang ipinakita sa Copenhagen.

 Ang G2 Esports ang orihinal na dapat kukuha sa kanilang mga players at coach, matapos makakuha ng spot Americas league. Ngunit dahil sa kapahamakan na dulot ng kanilang CEO na si Carlos “ocelote” Rodriguez Santiago at ng kontrobersyal na influencer na si Andrew Tate, naiulat na binawi ang spot ng G2 sa liga.

Naiwan sa ere ang buong roster ng XSET, kung kaya’t kinailangan nilang maghiwa-hiwalay upang maghanap ng kani-kaniyang oportunidad.

Sa kabilang dako, si coach Kaplan naman ay kilala sa pagtulong sa Ghost Gaming na makuha ang ikalawang pwesto sa group stage ng VCT NA Stage 2 Challengers, kung saan nahigitan nila ang 100 Thieves, NRG, The Guard, at TSM. Walang nakakakilala sa Ghost bago ito mangyari, ngunit tinulungan sila ni Kaplan na makipagsabayan sa mga poinakamahuhusay sa kanilang rehiyon.

Sentinels VCT Stage 2 Masters
Credit: Riot Games

Tinatrabaho na ngayon ng mga coaches ng Sentinels ang pagbuo ng roster ng organisasyon para sa Americas league, ayon sa ulat ni George Geddes ng Dot Esports.

Iniulat din ni Geddes na magtatapos na sa dulo ng taon ang mga kontrata ng Valorant superstar na si Tyson “TenZ” Ngo at ni Shahzeb “ShahZaM” Khan – at hindi pa sigurado kung bibigyan sila ng mga bagong kontrata.

Maaaring hindi maisama ang dalawa sa pagsulong ng Sentinels at hayaang maghanap ng ibang oportunidad bilang mga unrestricted free agents.

Makakalaban ng Sentinels ang Cloud9, Evil Geniuses, NRG, 100 Thieves, KRÜ Esports, FURIA, LOUD, Leviatán, at MIBR sa Americas league sa susunod na taon

Ang bagong roster ay magkakaroon ng international debut pag nakaharap nila ang lahat nang 30 Valorant partnered teams sa Sao Paulo, Brazil sa February, kung saan gaganapin ng Riot Games ang pinakamalaki nilang VCT tournament.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

Ang kathang ito ay isang pagsasalin mula sa orihinal na akda.