Kinuha ng XSET ang trono bilang hari ng Valorant sa North America nang patumbahin nila ang kampeon ng Masters Reykjavik 2022 na OpTic Gaming sa iskor na 3-1 sa grand final ng VCT NA Stage 2 Challengers.

Parehong naka-secure na ng slot ang dalawang koponan sa Masters Copenhagen pero kailangan pa rin nilang paglabanan ang seedings sa naturang torneo na gaganapin sa capital city ng Denmark sa Hulyo.

Nangangahulugan ito na nakuha nila Matthew “Cryocells” Panganiban at kanyang mga tropa ang first seed ng NA sa Copenhagen at isang spot na rin sa Valorant Champions sa Setyembre. Kung parehas ang format ng Copenhagen sa Reykjavik, magsisimula ang XSET sa playoffs habang ang OpTic naman ay dadaan muna sa group stage.


Bumawi ang XSET laban sa OpTic sa VCT NA Stage 2 grand final

XSET
Credit: XSET

OpTic ang unang NA squad na nakakuha ng spot sa Copenhagen matapos nilang talunin ang XSET, 3-1, sa kanilang pagkikita sa upper bracket final. Pero nabaligtad ang kwento sa championship series dahil bagamat nanalo ang OpTic sa kanilang map pick na Fracture (14-12), ang tatlong sunod na mapa ay napasakamay ng XSET.

Nabali ng kadalasang fourth-placed team ang sumpa dala na rin ng malupit na performance mula kay 17-year-old prodigy Zachary “zekken” Patrone na naglaro ng apat na magkakaibang agents sa serye. Tinapos niya ang final nang may +40 K/D differential at 18 first kills, patunay kung bakit siya tinuturing na isa sa mga star players ng koponan kasama si Cryocells.

Mahalaga ring tukuyin na lumalaban pa sa sintomas ng COVID-19 ang ilang manlalaro ng OpTic katulad na lang nila Pujan “FNS” Mehta at Austin “crashies” Roberts na parehong nagpositibo sa coronavirus.

Pinili ng XSET ang Haven na nauna nang kinuha ngg OpTic sa kanilang nakalipas na bakbakan. Isang one-sided 13-3 victory ang nilista nila zekken at tumungo sila sa Bind tangan ang mainit na momentum.



Ipinakita ni zekken na isa siya sa pinaka-versatile na duelist main sa North America nang gumamit siya ng Neon sa Fracture, Jett sa Haven at Raze sa Bind. Pagdating naman sa ikaapat na mapa na Ascent, nag-switch siya sa Sova habang bumalik naman si Cryocells sa kanyang signature Jett.

Maagang umariba ang OpTic at itinala ang 9-3 kalamangan sa defenders side sa first half. Kinuha pa nga nila ang dalawang sunod na rounds bilang attackers ngunit nangibabaw ang XSET sa sumunod na 10 rounds upang ipukol ang nakakamanghang 13-11 comeback win.

Credit: Riot Games

Muling nagtapos sa second place ang OpTic Gaming, pareho sa kanilang resulta noong Stage 1. At katulad ng The Guard sa Reykjavik, unang pagsabak rin ng XSET sa international LAN sa Copenhagen.

Susubukan nila zekken, Cryocells at kanilang mga kasamahan na ipamalas ang kanilang kalibre sa global stage sa pagsisimula ng Stage 2 Masters sa ika-10 ng Hulyo.

Para sa Valorant news, guides at higlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.