Malapit na ngunit kinulang ang Fnatic sa pagselyo ng direct invite patungong The International 11 matapos kapusin kontra beastcoast sa lower bracket first round ng PGL Arlington Major.

Naipanalo ng pambato ng Southeast Asia ang Game 1 sa likod ng Tiny ni Pinoy position-4 support Djardel “Dj” Mampusti ngunit agad na rumesbak ang kinatawan ng South America sa pangunguna ng mid Underlord ni Jean “C.smile” Salazar (kilala rin bilang Chris Luck) sa Game 2.

Tinangka naman ng Fnatic, na may tatlong stand-in mula sa TSM FTX sa Arlington, na maka-comeback sa makapigil-hiningang Game 3 pero ‘di kinaya ng Phantom Lancer ni Enzo “Timado” O’Connor at kanyang mga kasamahan ang mabagsik na Lina ni C.smile kasama pa ang matinding crowd control mula sa ibang players ng beastcoast.



Lumapag ang Fnatic sa 9th-12th place ng huling Dota 2 Major ng season at wala silang nakuhang Dota Pro Circuit (DPC) points na kailangan nila upang makasunggab sana ng isa sa 12 direct invites papunta sa pinakamalaking torneo ng taon na isasagawa sa Singapore.

Isang panalo lang sana ang kailangan ng SEA third seed sa playoffs ng Arlington Major para makakuha ng top 8 finish na may gantimpalang 360 DPC points na siyang papako sa kanilang pwesto sa TI11. Ngunit nabigo sila laban sa Team Aster ng China sa upper bracket round 1 bago tuluyang bumagsak sa kamay ng beastcoast.

Nagtapos ang Fnatic sa No. 13 sa DPC 2021-2022 rankings hawak ang 1,020 DPC points, dehado lang ng .05 puntos sa kasalukuyang No. 12 na Outsiders at 32.5 puntos sa No. 11 na Evil Geniuses.


Sasabak ang Fnatic sa madugong TI11 SEA Regional Qualifiers

Credit: Valve

Dahil bigong makasungkit ng TI11 direct invite, didiretso sina Dj at kanyang tropahan sa madugong SEA Regional Qualifiers na itatampok ang iba pang mabibigat na koponan sa rehiyon na magsasagupaan para sa nag-iisang siguradong slot patungong TI.

Makakalaban ng Fnatic ang isa pang kinatawan ng SEA sa Arlington Major na Talon Esports at iba pang Division 1 teams na T1, RSG, Polaris Esports, Team SMG, Nigma Galaxy SEA, Neon Esports. Kasali rin ang Division 2 squads na Execration, Lilgun, Army Geniuses, Summit Gaming, Atlantis, Xerxia at TNC Predator.

Ang maganda naman para sa Fnatic dito ay makakabalik na sina Pinoy standouts Armel “Armel” Tabios, Polo “Raven” Fausto at Jaunuel “Jaunuel” Arcilla, na hindi nakalipad patungong Arlington dahil nagkaproblema sila sa pagkuha ng US visa.

Armel at Raven ng Fnatic
Credit: Fnatic

Iaanunsyo pa ang format ng regional qualifiers na nakatakdang ganapin mula ika-3 hanggang ika-15 ng Setyembre.

Samantala, nakumpleto na ang 12 koponan na nakatanggap ng direct invite bunga ng kanilang DPC points, kabilang na rito ang unang kinatawan ng SEA na BOOM Esports. Pasok ang PSG.LGD, OG, beastcoast, Thunder Awaken, Team Spirit, Team Aster, TSM FTX, Tundra Esports, Gaimin Gladiators, Evil Geniuses at Outsiders.

Para sa mga balita patungkol sa Dota 2, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.