Kinuha ng Team SMG ang mga beteranong Singaporean players na sina Daryl “iceiceice” Koh Pei Xiang at Wilson “poloson” Koh Chin Wei para sa darating na The International 11 (TI11) Southeast Asia Regional Qualifier.

Inanunsyo ng organisasyon kamakailan ang kanilang pag-recruit kila iceiceice at poloson sa pamamagitan ng isang video. Dumating din ang anunsyo dalawang araw matapos nilang ilagay si Pinoy offlaner Ryan Jay “Raging Potato” Qui sa inactive roster at alisin si Swedish hard support Johan “pieliedie” Åström.

Credit: Team SMG

Kakagaling lang ng 32-year-old offlaner na si iceiceice mula sa Team Secret sa nakalipas na season. Ngunit dahil sa malamyang resulta ng koponan sa Dota Pro Circuit (DPC) Western Europe at pagpalyang makapasok sa kahit anong Dota 2 Major ngayong taon, namaalam ang Secret kay iceiceice at ipinalit sa kanya si Ukranian pro Roman “Resolut1on” Fomynok.

Samantala, ang 26-year-old hard support naman na si poloson naman ay huling naglaro para sa Nigma Galaxy SEA at Chinese team na Ybb Gaming, ang team B ng Xtreme Gaming, bago mapadpad sa Team SMG.


Roster ng Team SMG para sa TI11 SEA Qualifier

Kinuha si iceiceice ng Team SMG para sa TI11 SEA Qualifier
Credit: ONE Esports

(1) Yeik “MidOne” Nai Zheng
(2) Kam “Moon” Boon Seng
(3) Daryl “iceiceice” Koh Pei Xiang
(4) Tue “ah fu” Soon Chuan
(5) Wilson “poloson” Koh Chin Wei
(Coach) Yap Chee “Kenchi” Loong

Umaaasa ang Team SMG na matutulungan sila ng dalawang bagong manlalaro na pangibabawan ang madugong TI11 SEA Qualifier kung saan nakataya ang nag-iisang siguradong slot patungo sa group stage ng pinakamalaking torneo ng Dota 2 ngayong taon na gaganapin sa Singapore.

Tanging ang BOOM Esports lang ang SEA team na nakapasok sa TI11 sa pamamagitan ng direct invite. Kaya naman makakaharap ng SMG ang Arlington Major reps na Fnatic at Talon Esports maging ang iba pang Division 1 teams na T1, RSG, Polaris Esports, Nigma Galaxy SEA at Neon Esports. Kasali rin ang Division 2 squads na Execration, Lilgun, Army Geniuses, Summit Gaming, Atlantis, Xerxia at TNC Predator.

Ang 2nd at 3rd placers sa Regional Qualifiers ay may pagkakataon pang makapasok sa pamamagitan ng Last Chance Qualifier na isasagawa rin sa Singapore. Ang top 2 teams sa LCQ ang uusad sa 20-team TI11 group stage.

Para sa Dota 2 news at guides, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.