Opisyal nang inanunsyo ng Team Secret ang pagkuha nila sa batikang pro na si Roman “Resolut1on” Fomynok bilang bago nilang offlaner kapalit ni Daryl “iceiceice” Koh.

Nangyari ang signing sa 25-year-old Ukrainian player matapos ang magandang laro ng Secret kasama siya sa Riyadh Masters 2022 kung saan isang game lang ang ang ‘di nila naipanalo sa group stage bago tuluyang magtapos sa 3rd-4th place, kapantay ng OG at sa likod lang ng PSG.LGD at Team Spirit.

“Stand-in no more,” ani ng organisasyon sa social media. “The best offlane duo is finally back together,” dagdag pa nila, na pagtutukoy kina Resolut1on at position-4 support Baqyt “Zayac” Emiljanov.

Sa rekomendasyon ni Zayac, nagsilbing stand-in si Reso para sa Secret sa Riyadh. Solidong synergy ang ipinakita ng dalawang dating magkakampi sa HellRaisers na nagbigay ng kislap sa pinakamagandang tournament run ng Western European squad ngayong taon.


Ni-recruit ng Team Secret si Resolut1on bago ang TI11 Regional Qualifiers

Resolut1on kasama ang Team Secret sa Riyadh Masters 2022
Credit: Team Secret

Umani ng papuri sina Resolut1on at Zayac dahila sa kanilang matibay na teamwork sa Riyadh Masters. Komento nga ni two-time TI champion Sébastien “Ceb” Debs ng OG, “At their peak, they are probably one of the best, if not the best duo for certain months in a row.”

Kasama ang Ukrainian offlaner, sinungkit ng Secret ang 4th place sa Riyadh Masters na may kaakibat na US$425,000 (mahigit PHP23 milyon) na premyo. Winalis nila ang powerhouse teams na PSG.LGD at Tundra Esports sa group stage bago patumbahin ang Chinese champs na Royal Never Give Up sa quarterfinals at matalo sa kamay ng Team Spirit sa semis.

Ito na ang ikatlong roster change ng koponan ngayong season. Pinalitan ni Remco “Crystallis” Arets si Syed “SumaiL” Hassan bago ang DPC Tour 3 habang nagdesisyon naman si Yazied “YapzOr” Jaradat na mag-step down muna dahil sa health issues, na nagbigay-daan naman sa pagpasok ni Zayac sa kalagitnaan ng WEU Division 1 league.

Credit: Team Secret

Susubukan ng Secret na lalong pagtibayin ang kanilang chemistry kasama si Resolut1on sa pagsabak nila sa ESL One Malaysia bago tumungo sa madugong The International 11 (TI11) Regional Qualifiers.

Samantala, naging free agent naman ang Singaporean offlaner na si iceiceice bago ang TI qualifiers matapos maglaro para sa Secret sa kabuuan ng kanilang kampanya sa DPC 2021-2022 season.

Kasalukuyang Dota 2 roster ng Team Secret

  • (1) Remco “Crystallis” Arets
  • (2) Michał “Nisha” Jankowski
  • (3) Roman “Resolut1on” Fomynok
  • (4) Baqyt “Zayac” Emiljanov
  • (5) Clement “Puppey” Ivanov
  • (Coach) Lee “Heen” Seung Gon

Nasa 31st place ang Secret sa DPC rankings sa oras ng pagsulat matapos makalikom lang ng 93.07 DPC points ngayong season. At kahit kasali pa sila sa PGL Arlington Major 2022 at magkampeon dito, hindi magiging sapat ang kanilang DPC points para makakuha ng TI11 direct invite.

Kaya naman ang Regional Qualifiers na lang ang tanging paraan para mapanatiling buhay ang attendance streak ni kapitan Puppey sa world championship ng Dota 2 na gaganapin sa Oktubre sa Singapore ngayong taon.

Para sa Dota 2 news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa artikulo ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.