BOOM Esports ang hinirang na kampeon ng Gamers Galaxy: Dota 2 Invitational Series Dubai 2022 matapos magpamalas ng nakalululang numero ang Templar Assassin ni Yopaj.

Napa-“Japoy is my idol” ang buong Dota 2 community nitong nakalipas na linggo dahil sa ipinakitang performance ng Pinoy midlaner. Nakapagtala lang naman kasi ang Templar Assassin ni Yopaj ng 56 kills at 36 assists kontra isang death sa apat na beses niyang nilaro ang hero sa kahabaan ng nasabing turneo.


Templar Assassin ni Yopaj bumida para sa BOOM Esports sa Gamers Galaxy

Templar Assassin ni Yopaj sinelyo ang kampeonato ng BOOM Esports sa Gamers Galaxy: Dota 2 Invitational Series Dubai 2022
Credit: Galaxy Racer

Makulay ang naging kampanya ng kasalukuyang Kings of SEA sa Dubai LAN. Pinangibabawan nila ang group stage, pero sa lower bracket namalagi ang koponan matapos silang ibagsak ng Tundra Esports noong unang araw ng playoffs.

Dito, tinuldukan ng BOOM Esports ang pag-asa ng Team Secret, The International 10 champions na Team Spirit, at Nigma Galaxy na makatungtong sa grand final.

Sa kinahaba-haba ng kanilang nilakbay, tatlong koponan ang napatikim ng mabangis na Templar Assassin ni Yopaj. Naging susi ito ng BOOM Esports para maselyo ang top seed sa group stage kontra OG at Team Secret.

Bigo rin ang Tundra Esports na mapigilan ang pagwawala ng Templar Assassin ni Yopaj nang muli nilang harapin ang pambato ng SEA sa grand final. Kahit pa sinubukan nila itong kontrahin sa tulong ng mid Jakiro ni Nine, patunay ang naitalang 14/0/10 KDA ng Pinoy sa ikalima at huling mapa ng serye na hindi ito sapat.

“I’m so proud of my team. Even though we lack practice, we still managed to get the [championship title],” sagot ni Japoy nang tanungin kung ano ang kanyang pakiramdam matapos maselyo ang kampeonato.

Para naman sa support at kapitan ng koponan na si skem, parte pa lang ng kanilang proseso ang nasabing tagumpay.

“I’m really proud but [we] still have a long way to go. We are looking [at] TI. This is just still a [part of the] process [for] us,” aniya sa post-tournament interview.


Templar Assassin ni Yopaj sinelyo ang kampeonato ng BOOM Esports sa Gamers Galaxy: Dota 2 Invitational Series Dubai 2022
Credit: Galaxy Racer

Bukod sa kampeonato, iuuwi rin ng BOOM Esports ang mahigit ₱5.6 milyon na premyo mula sa 1,000,000د.إ AED na prize pool ng turneo.

Ito ang ikalimang-sunod na kampeonatong naiselyo ng koponan matapos mangunang pangibabawan ang BTS Pro Series Season 9: SEA, Mineski Masters, unang tour ng kasalukuyang Dota Pro Circuit SEA, at Regional Finals ng parehong circuit.

Muling sasabak ang BOOM Esports sa ikalawang tour ng DPC SEA Division I simula ika-16 ng Marso para depensahan ang kanilang titulo.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Gamers Galaxy Dota 2 Invitational Series Dubai 2022: Schedule, resulta, format, koponan, at saan mapapanood