Inilahad ni Tier One Entertainement CEO at co-founder na si Tryke Gutierrez ang kanyang interes na palakihin pa ang kanilang esports division na Blacklist International sa pamamagitan ng pagbuo ng mga koponan sa Dota 2 at Valorant.
Hindi na baguhan sa tagumpay ang Blacklist International ng Tier One. Ang kanilang pambato sa Mobile Legends: Bang Bang ay isang powerhouse sa Philippine esports scene na nakapagtala ng back-to-back championships sa MPL PH Season 7 at 8, at nakakuha ng runner-up finish sa MPLI 2021.
Nais ni Tryke na taasan ang kanilang pamantayan sa pamamagitan ng Blacklist International Dota 2 at Valorant teams

Sa kasalukuyan, ang organisasyon ni Tryke ay may Blacklist International esports teams sa MLBB, Legends of Runeterra, Call of Duty Mobile, Free Fire at PUBG Mobile.
Bagamat MLBB ang nasa unahan ng esports scene sa Pilipinas salamat sa tumataas na popularidad ng competitive mobile games, ang pagmamahal ng mga Pinoy sa Dota 2 ay nananatiling malakas hanggang ngayon.
Limang Pinoy Dota 2 pro ang lumahok sa The International 10 kung saan nagtapos sa respetadong 7th-8th place sila Carlo “Kuku” Palad at Karl Matthew “Karl” Baldovino ng T1.
Tampok din sa TI10 sila Djardel “Dj” Mampusti at Polo “Raven” Fausto ng Fnatic, at Abed “Abed” Yusop ng Evil Geniuses na kapwa naglista ng 9th-12th place finish.
Isa rin sa gumagawa ng pangalan sa global esports scene ang Team Secret Valorant (dati ay Bren Esports) na binubuo ng mga Pilipino. Nakapasok ang koponan sa darating na Valorant Champions 2021.
Ang competitive FPS scene ay matagal nang dinodomina ng European at North American regions. Ang pagbibigay diin ng Riot Games na gawing global esport ang kanilang competitive shooter ay nagbigay ng tsansa para sa mga organisasyon sa Southeast Asia sa international stage.
Bagamat nakikilala ang Tier One sa pagkuha ng top talents at streamers, dedikado pa rin si Tryke na palawakin ang kanilang esports portfolio.
“What I’m dreaming of now is a Blacklist [Dota 2] team and a Valorant team,” sambit ni Tryke sa isang tweet kamakailan.

Layon nila Tryke at ng Tier One na bumuo ng koponan sa Dota 2 at Valorant sa nalalapit na hinaharap. Nais niya na gayahin ang tagumpay ng Blacklist International MLBB squad sa patuloy nilang pagpapalawak ng kanilang pangalan sa competitive esports scene.
Base ito sa orihinal na akda ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.