Hatid sa inyo kasama ang Samsung.

In-update nitong Disyembre 26, 3 p.m. (GMT+8): Nagdagdag ng mga kaugnay na guide.

Tanyag si Aldous, ang Contractor, sa Mobile Legends: Bang Bang dahil sa kakayahan niyang bumura ng kalaban sa pamamagitan lamang ng isang suntok.

Nagagawa niya ito dahil sa kanyang signature skill na Contract: Soul Steal, na permanenteng tumataas ang damage sa pamamagitan ng paglikom ng stacks mula sa pagpatay ng minions, creeps, kalabang hero, at iba pang units.

Dagdag pa rito, mayroon siyang abilidad na magkaroon ng shield, karagdagang movement speed, at stun effect. Gamit naman ang kanyang ultimate, kaya niyang sugurin ang sinumang kalabang hero sa kahit saang parte ng mapa.

Sa komprehensibong gabay na ito, bibigyan namin kayo ng mahahalagang punto para matutunan niyong dominahin ang laro gamit ang naturang fighter.

Mga skill ni Aldous sa Mobile Legends

Passive – Contract: Transform

Pagkatapos ng bawat dalawang pag-atake, nakakakuha si Aldous ng shield na bahagyang nakabase sa stack ng Soul Steal sa loob nang ilang segundo sa kanyang susunod na basic attack.

  • Maaari lang gumana ang epekto na ito nang isang beses matapos ang ilang segundo.
  • Mas maraming stack ng Soul Steal, mas malaking shield ang iyong makukuha galing sa Transform.
  • Maaari rin ma-activate ang passive na ito ng enhanced basic attack mula sa Soul Steal.


Unang skill – Contract: Soul Steal

Pinapakawalan ni Aldous ang kanyang enerhiya upang palakasin ang kanyang susunod na basic attack, na nagdudulot ng physical damage. Kung mapupuksa niya ang isang kalaban sa pag-atakeng ito, siya ay makakakuha ng stack ng Soul Steal. Ang bawat stack ay permanenteng pinapataas ang damage ng skill na ito.

Kapag umaatake sa minions o creeps, ang pinsala ng enhanced basic attack ay tataas. Makakakuha si Aldous ng dalawang karagdagang stack kapag namatay ang mga non-hero unit sa isang partikular na distansya.

  • Hangga’t maaari, iwasan ang makipagbakbakan sa early game at mag-ipon muna ng Soul Steal stacks.
  • Mas marami kang malilikom na stacks kung mala-last hit mo ang kalabang minions. Gamitin ang Attack Minion Button para masigurong ito ang iyong aatakihin. Ngunit kung kang dehado sa lane, maaari namang lumapit ka na lang kapag may mamamatay nang minion upang makasagap pa rin ng stacks.
  • Bukod sa pagpatay ng kalabang hero, nagbibigay rin ng malaking stack ang pag-last hit sa tore, Turtle, at Lord.
  • May estratehiya ngayon kung saan sa mid lane muna nagfa-farm sa unang limang minuto ng laro dahil mas maraming minions ang nag-i-spawn dito.
  • Ang tagal ng enhanced basic attack mula sa Soul Steal ay halos kasabay lamang ng cooldown nito. Nangangahulugan ito na maaari kang makagamit ng dalawang magkasunod na enhanced basic attack kung tama ang iyong timing.
  • Unahing pataasin ang level ng Soul Steal upang tumaas ang base damage nito at mas epektibo kang makapag-last hit ng minions.
  • Si Aldous ay maaaring makaipon ng hanggang 500 Soul Steal stacks.


Ikalawang skill – Contract: Explosion

Ipagpapalagay ni Aldous ang isang defensive stance, kung saan nakakakuha siya ng damage reduction at karagdagang movement speed sa loob nang ilang segundo o hanggang sa manu-manong pagkansela.

Pagkatapos ay nagdudulot siya ng physical damage sa mga kalapit na kalaban, at i-stun sila.

  • Ang Explosion ang pangunahing mobility skill ni Aldous, na maaari mong gamitin sa paghabol ng iyong target, o pag-alis mula sa mga alanganing sitwasyon.
  • Ang tagal ng stun effect ng skill na ito ay nakabase sa tagal ng panahon bago ito pumutok.
  • Pwede mo itong paganahin nang manu-mano ilang segundo matapos gamitin. Sa pamamagitan nito, maaari mong ma-stun agad ang iyong target at pigilan ang kanyang pagtakas. Nga lamang, mas maiksi ang itatagal ng stun.


Ultimate – Contract: Chase Fate

Nakakakuha si Aldous ng vision sa lahat ng mga kalabang hero sa loob nang ilang segundo. Sa panahong ito, kung gagamitin niya muli ang skill na ito, maaari siyang sumugod patungo sa napili niyang kalaban.

Kapag natamaan niya ang target niyang hero, magdudulot siya ng physical damage na bahagyang nakabase sa max HP nito at papaatrasin ito.

  • Sa pamamagitan ng Chase Fate, maaaring sugurin ni Aldous ang sinumang kalaban na hero saan mang parte ng mapa. Napipigilan niya rin ang pag-recall ng kanyang target sa panahon ng pagsugod.
  • Sa early game, mainam na gamitin ito sa kalabang hero na may mababang buhay upang mataas ang tsansa na mapatay mo ito at mapalaki ang stack ng Soul Steal.
  • Inirerekomendang targetin ang malalambot na hero, katulad na lamang ng mga assassin, marksman, at mage.
  • Habang ikaw ay nasa ere, maaari mong gamitin ang Soul Steal upang magkaroon ng enhanced basic attack sa iyong paglapag, at agad na makapagbitaw ng isa pang enhanced basic attack laban sa iyong target.
  • Maaari mong gamitin ang Chase Fate sa pag-scout ng mga kalaban kung hindi niyo sila namamataan sa mapa.
  • Hindi tinatablan si Aldous ng crowd control habang sumusugod, maliban sa suppression effect.
IBA PANG MLBB GUIDES
Paano mag-top up ng diamonds sa Mobile Legends: Bang Bang
I-master ang 3 Roger combos na ito para dominahin ang kalaban
Top 5 Emblems at Talents na OP sa bagong emblem system
Swak ang bagong item na Starlium Scythe sa mages na ito
3 best heroes na pwedeng gamitan ng Basic Common Emblem

Komprehensibong gabay kung paano laruin si Aldous sa Mobile Legends

Rekomendadong battle spell

Rekomendadong battle spell para kay Aldous sa Mobile Legends
Credit: ONE Esports

Mayroon kang iba’t-ibang pagpipilian na battle spell depende sa iyong role.

Kung ikaw ay naglalaro bilang laner, epektibo ang Flicker o Sprint. Gamitin mo ang anuman sa dalawa para lapitan at habulin ang iyong target, o kaya naman takasan ang mga kalaban sa mga mapanganib na sitwasyon.

Samantala, kung ikaw naman ay naglalaro bilang jungler, swak ang Retribution para sa iyo. Gamitin ito para mabilis na i-clear ang jungle creeps, at siguruhin ang Turtle at Lord objectives upang mabigyan ng bentahe ang iyong koponan.


Rekomendadong emblem

Rekomendadong emblem set para kay Aldous sa Mobile Legends
Credit: ONE Esports

Epektibo ang Assassin emblem kung nais mong makapagbitaw ng malaking damage kahit sa early game pa lamang sapagkat nagbibigay ito ng adaptive penetration at adaptive attack. Bukod pa riyan, nagkakaloob din ito ng karagdagang movement speed.

Para sa iyong standard talents, piliin ang Agility para sa ekstrang movement speed, at Life Drain para sa HP at mana regeneration tuwing nakakapatay o nakakatulong ka sa pagpatay ng minions. Importante ito dahil kumukonsumo si Aldous ng mana para magamit ang kanyang mga skill.

Pagdating naman sa iyong core talent, ikonsidera ang Quantum Charge. Kada walong segundo, pinapataas nito ang movement speed at nagbibigay ito ng HP kapag nakapinsala ka ng kalaban gamit ang iyong basic attack.

Magandang alternatibo rin ang Killing Spree, na nakakapagbigay ng karagdagang movement speed at HP sa tuwing makakapagpatumba ka ng kalabang hero. Kaya lamang, mas magiging epektibo lang ito sa late game kung kailan marami ka nang stack ng Soul Steal at malaki na ang tsansa mong makakuha ng mga kill.


Best build para kay Aldous

Best build para kay Aldous sa Mobile Legends
Credit: ONE Esports

Dahil may angking potensyal na si Aldous na magpakawala ng malaking damage, salamat sa kanyang Soul Steal, mainam na magpokus ka sa pagbuo ng mga defensive item upang tumagal o makaligtas ka sa mga team fight.

Pero sa umpisa, mahalagang bumili ng Blade of the Heptaseas pagkatapos ng napili mong Boots upang may damage ka sa mga inisyal na clash.

Sundan ito ng Brute Force Breastplate para sa magkahalong physical at magic defense, kasama pa ang adisyunal na movement speed.

Upang lalo kang kumunat, kumuha ng naaayon na item sa pagitan ng Athena’s Shield o Radiant Armor para sa magic resistance, at Antique Cuirass o Blade Armor para naman sa physical defense.

Kumpletuhin ang iyong build sa pamamagitan ng pagbili ng Immortality, na makakapagbigay sayo ng ikalawang buhay para sa tsansang makatakas o ipagpatuloy ang iyong atake.

Ang best build para kay Aldous sa Mobile Legends

  • Tough Boots (Ice Retribution kung ikaw ay isang jungler)
  • Blade of the Heptaseas
  • Brute Force Breastplate
  • Athena’s Shield
  • Antique Cuirass
  • Immortality

Mga payo at madaling combo na dapat matutunan

Mobile Legends: Bang Bang Blazing Force Aldous skin wallpaper
Credit: Moonton

Sa early game, importanteng umiwas ka muna sa pakikipagbakbakan at ituon ang iyong atensyon sa paglikom ng Soul Steal stacks. Upang epektibong magawa ito, magtago sa mga bush at lumapit lamang kapag may mamamatay nang minion para i-last hit ito.

Ngunit kung lamang ka sa matchup, maaari mong puwersahin na mapalayas sa lane ang iyong kalaban sa pamamagitan ng paggamit ng Explosion sabay enhanced basic attack mula sa Soul Steal.

Sa puntong makuha mo na ang Chase Fate, mahalaga ang map awareness upang malaman kung kailan ito gagamitin at sino ang iyong tatargetin na kalaban. Sa una, gamitin mo lang muna ito kapag may kalabang mababa na ang HP para masigurong mapupuksa mo ito.

Kapag mayroon ka nang sapat na Soul Steal stack, mainam na targetin mo ng Chase Fate ang mga malalambot na kalabang hero, tulad ng marksman, mage, at assassin. Sa pamamagitan ng paggawa nito, malaki ang tsansa na mapatumba mo sila at mabawasan ang damage potential ng kabilang koponan.

Habang pasugod ka sa iyong target gamit ang Chase Fate, kumasa ka na ng isang Soul Steal upang paglapag mo ay nakapag-cooldown na ito at makagamit agad ng isa pang Soul Steal.

Sa paghabol naman, gamitin ang Explosion para sa karagdagang movement speed at stun effect. Maaari mo itong paganahin nang manu-mano para siguruhing ‘di makakawala ang iyong target.



Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita, updates at guides tungkol sa Mobile Legends.

BASAHIN: Swak ang bagong item na Starlium Scythe sa mages na ito sa Mobile Legends