Pinatunayan ni Dylan “Light” Catipon kung bakit siya ang hinirang na MVP ng regular season matapos niyang magpakitang-gilas sa serye ng RSG PH kontra ONIC PH sa MPL Philippines Season 9 playoffs.

Nagawang walisin ng tinaguriang Kingslayers ang M3 World Championship runner-up salamat sa sunod-sunod na multi-man Fatal Link ng Atlas ni Light noong huling mapa ng best-of-three.

Atlas ni Light binalibag ang ONIC PH sa lower bracket ng MPL PH S9 playoffs

Atlas ni Light bumida para sa RSG PH
Credit: MPL Philippines

Pormado na para maiwasan ang nagbabadya pa lang sanang pangingibabaw ng RSG PH ang ONIC PH noong ikatlong game ng serye. Naka-upo na sila sa ibabaw ng kumportableng kalamangan matapos mabigo noong unang dalawang mapa.

Nabutas na rin ng dilaw na hedgehog ang top inhibitor turret ng Raiders at pinupunterya na rin ang gitna sa tulong ng Natan ni Mark “Markyyyyy” Ectobañez. Pero sa isang iglap, nahuli ang tatlong miyembro ng ONIC PH sa Fatal Links ng Atlas ni Light. Bagsak ang pangunahing pinagkukunan ng damage ng red side, at sumunod na rin ang Franco ni Allen “Baloyskie” Baloy.

Atlas ni Light bumida para sa RSG PH
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Simula nang mangyari ito noong ika-13 minuto ng bakbakan, agad na umimpis ang higit 10k kalamangan ng ONIC PH. Napako na rin sa anim ang kills nilang nagdagdagan lamang noong ika-19 minuto na, pero kapalit naman ang Evolved Lord.

Tuluyan nang pinako ng regular season top seed ang kanilang tagumpay bandang ika-22 minuto ng laro. Muling nakahuli ng dalawa ang Fatal Links ng Atlas ni Light na naging set-up para sa Sanguine Claws at Bat Impact ng Cecilion ni Arvie “Aqua” Antonio.

Atlas ni Light bumida para sa RSG PH
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Pinarangalan din bilang MVP ang Atlas na nagtala ng 92-porsyentong kill participation, na nagmula sa game-high 13 assists.

Aabante ang RSG PH sa upper bracket finals ng MPL PH S9 playoffs kontra second seed na TNC Pro Team. Nakasalalay sa best-of-five nilang gaganapin bukas, sa ganap na ikapito ng gabi, ang unang slot sa grand final at pagkakataong maging kinatawan ng Pilipinas para sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022.

Samantala, maghaharap naman sa do-or-die ang ONIC PH at Smart Omega sa unang round ng lower bracket.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ang kampanya ng RSG PH sa regular season ng MPL PH S9