Isa ang RSG PH sa mga koponang inaasahang mamayagpag sa ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).
Pumasok kasi ang Raiders ngayong season bilang defending champions ng liga, na sinundan pa ng pagpapatunay nilang sila ang pinakamalakas na koponan sa rehiyon nang iuwi nila ang championship title mula sa MLBB Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022).

Pero matapos ang unang dalawang linggo ng gumugulong na regular season, sa bandang ilalim ng standings namamalagi ang RSG PH. Nagsilbing bungad ng kanilang kampanya ang pagkatalo kontra Smart Omega, na ayon sa kapitan nitong si Patrick “E2MAX” Caidic ay simula pa lang kanilang pagbawi.
Nang hingan ng kumento ukol sa naging pahayag na ito ni E2MAX, ibinahagi ng coach ng RSG PH na si Brian “Panda” Lim ang palagay niya sa estado ng kanyang koponan ngayong season at bakit tama lang ang midlaner ng Smart Omega sa pakiwaring ito.
Ang reaksyon ni Coach Panda sa pahayag ni E2MAX

Sinelyo ng ‘Kingslayers’ ang una nilang panalo ngayong season matapos walisin ang TNC Pro Team. Bumida ang beteranong EXP laner nilang si Kenneth “Kenji” Villa, na humalili muna kay Nathanael “Nathzz” Estrologo.
Bagamat masaya ang koponan sa naging resulta nito, inamin ni Coach Panda na marami pa silang dapat pagtrabahuhan.
“I feel like kahit sinong team or sinong player [ang magsabi na babawi sila sa amin], tama talaga ’cause we don’t expect that we are the best anymore, and we are not the best,” paliwanag ni Coach Panda. “We always feel like we’re starting from zero after any achievement that we get.”

Sinserong ‘good luck’ daw ang mahihiling ng dekoradong coach para kina E2MAX, pero sisiguraduhin niya rin daw na magiging mas handa ang RSG PH sa ikalawang pagkakataon na haharapin nila ang mga taga-Barangay sa ikalimang linggo ng regular season.
Bagamat pagkatalo kontra ONIC Philippines ang naging panapos sa nagdaang linggo, susubukan naman nina Coach Panda bumawi kontra BREN Esports sa Sabado, ika-27 ng Agosto, sa ganap na ika-anim ng hapon. Susundan ito ng harapan nila kontra Nexplay EVOS na idaraos naman kinabukasan sa parehong oras.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Ang bentahe ni Kenji bilang EXP laner para sa RSG PH ngayong MPL PH S10