Ganadong naglaro si ONIC PH veteran Jaylord “Hatred” Gonzales kaya isa siya sa mga naging susi sa kanilang makapigil-hiningang 3-2 panalo kontra Nexplay EVOS sa kanilang elimination series sa MPL Philippines Season 9 playoffs.

Kasi nga naman, nagpunta ang kanyang nanay at girlfriend sa SMX Convention Center upang panoorin at suportahan siya sa kanilang win-or-go home match kahit pa umabot ito ng hanggang madaling araw.


Hatred: ‘Sobrang importante na nandito sila’

Hatred sa post-match interview
Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Medyo naging emosyonal ang 19-year-old multi-role star ng ONIC nang tanungin kung gaano kahalaga para sa kanya ang pagpunta ng kanyang OFW na ina na si Maria Ulphan Gonzales at girlfriend na si Rhinechael Singh sa venue para ipakita ang kanilang buong suporta sa kanya.

“Para sa’kin, sobrang importante na nandito sila kasi kada nafi-feel ko na pagod ako, tumitingin lang ako sa kanila,” saad ni Hatred sa panayam matapos ang mahigpit na bakbakan.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Lubos ang pasasalamat ng pambato ng Caloocan sa dalawang pinakaimportanteng babae sa kanyang buhay hindi lang dahil sa pagpunta nila ngayong MPL PH Season 9 playoffs kundi pati na rin sa solidong suporta nila sa kanyang karera bilang isang professional Mobile Legends player.

“Nung downside days ko, nandyan lang sila… Maraming maraming salamat mama atska sa girlfriend ko. Nung down na down ako nandyan sila lagi umalalay sa’kin,” ani niya.

“Ngayon malakas na loob ko hindi niyo na ko kailangan intindihin.”


Xavier ni Hatred nagpakitang-gilas sa ONIC vs NXPE playoff match

Credit: Moonton

Isa sa naging paghahanda ni Hatred para sa playoffs ang paggamit ng bagong hero na si Xavier. Tila nagsilbi itong secret weapon niya dahil sa scrims niya lang umano ginagamit ang naturang mage hero at tinatago ito sa ranked games.

Nagbunga naman ang taktikang ito dahil natulungan niya ang ONIC PH na maitabla ang serye kontra Nexplay EVOS nang maglista siya ng 8/1/9 KDA at halos 92K damage sa 22-10 win sa Game 2.

Nakipagsanib-pwersa siya sa signature Natalia ni kapitan Allen “Baloyskie” Baloy para ibigay ang 19-10 win sa Game 3 at ang series lead para sa ONIC. Tumikada siya ng 5/2/10 KDA at nagbitaw ng 57K damage na dala ng kanyang mga on-point na Dawning Light.

Napwersa ng NXPE ang do-or-die Game 5 pero sinigurado ni Hatred na matutulungan niya ang kanyang koponan na panatilihin ang kanilang kampanya sa liga. Gamit ang Yve, itinala niya ang pinakamataas na damage sa 136K at kumana ng 6/4/16 KDA sa napaka-intense na 25-minute victory ng ONIC.


Umabante ang sila Hatred at ONIC PH sa best-of-five upper bracket semifinals kung saan makakabangga nila ang top seed na RSG PH mamaya sa ganap na ikapito ng gabi.

Maaari niyong masubaybayan ang mga pangyayari sa MPL PH Season 9 playoffs sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.