Nadali ng Kadita-Johnson combo ang RSG Philippines nang harapin nila ang Falcon Esports sa unang round ng playoffs ng MSC 2022.

Bagamat nanaig ang ‘Kingslayers’ sa best-of-three series, nakadagit ng panalo ang pambato ng Myanmar matapos nilang mabaliktad ang halos 30 minutong bakbakan. Malaki ang ginampanang papel ng Johnson ni Pyae “JustiN” Sone Khant sa nasabing tagumpay, dahilan para hirangin siya bilang MVP noong ikalawang mapa ng best-of-three.

Credit: ONE Esports

Hindi ito ang unang beses na napasadahan ng Raiders ng nasabing stratehiya. Matatandaang pinatakbo rin ito ng ECHO noong kampanya nila sa MPL Philippines Season 9, bagamat hindi kasing dalas at kumportable gaya ng pagdadala ng Falcon Esports.

Kaya’t nang tanungin ang kasalukuyang kampeon ng MPL Philippines kung sino nga nga ba ang mas magaling gumamit ng Kadita-Johnson sa pagitan ng ECHO at Falcon Esports, mabilis itong nasagot ni Nathanael “Nathzz” Estrologo.

Sinong mas magaling Kadita-Johnson, ECHO o Falcon? Narito ang sagot ni Nathzz
Credit: ONE Esports

“Falcon,” matipid pero siguradong sagot ng Pinoy EXP laner.

Hindi naman umalma ang kanyang mga kakampi, na maaaring paraan ng pagsang-ayon nila sa sagot ni Nathzz.

Ang comeback win ng Falcon Esports kontra RSG PH gamit ang Kadita-Johnson

Nasa magandang puwesto ang RSG PH para masipa ang Falcon Esports sa lower bracket nang hindi natatalo.

Tangan nila ang kalamangan sa kahabaan ng laro, pero nahirapan silang tapusin ito dahil sa lakas dumepensa ng kalaban. Bukod kasi kay Dylan “Light” Catipon na gumagamit ng Franco, mabilis nalulusaw ang sino mang masagasaan ng Kadita-Johnson.

Hanggang sa huling sandali ng laban, ang damage na tinamo ng RSG PH sa Rapid Touchdown ang naging dahilan para ma-box out sila sa may Lord pit. Naselyo ng Lancelot ni Kenneth “Kenn” Hein ang Evolved Lord, dahilan para mas madali nilang mapitas ang mga natitirang miyembro ng kalaban at tuluyang makumpleto ang kanilang pagbawi.

Sinong mas magaling Kadita-Johnson, ECHO o Falcon? Narito ang sagot ni Nathzz
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

19 assists ang inambag ng Johnson ni JustiN, habang 13 naman ang sa Kadita ni Min “Naomi” Ko Ko. Sa ikatlong mapa ng serye, mas pinili na lang ulit ng RSG PH na i-ban ang hero ni kalabang mid laner.


Dahil sa pagkatalo ng Falcon Esports, itutuloy nila ang kanilang kampanya sa MSC 2022 sa lower bracket. Unang haharapin nila dito ang matatalo sa pagitan ng RSG Singapore at Orange Esports. Kakalabanin naman ng RSG PH ang mananalo sa seryeng ito.

Masusubaybayan ang mga laban sa MSC 2022 sa mga sumusunod na official livestreams na matatagpuan dito.

Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: High priority ang heroes na ito sa MSC 2022 Group Stage