Inilahad ni EVOS Legends captain-roamer Gustian “REKT” na maganda ang naging epekto ng pagbabalik ng beteranong manlalaro na si Muhammad “Wann” Ridwan sa main roster ng kanilang koponan sa MPL Indonesia Season 9.

Bago ang Week 6 ng MPL ID, inangat ng EVOS Legends si Wann papunta sa kanilang roster mula sa lineup ng kanilang EVOS Icon squad sa MDL (MLBB Development League). Pinalaro siya bilang midlaner sa dalawang laban nila sa linggong ito.

Nakaharap nila Wann at EVOS Legends ang Alter Ego at Rebellion Zion, at pareho nila itong tinalo sa iskor na 2-1.

Dahil sa mga panalong ito, tumalon ang EVOS sa No. 4 spot sa standings dala ang kanilang 6-4 win-loss series record. Isang panalo na lang ang pagitan nila sa No. 2 ONIC Esports (7-3) at No. 3 Aura Fire (7-4)


REKT sinabing malaki ang impact ng pagbabalik ni Wann sa EVOS Legends

Credit: MPL ID

Sa post-match interview matapos ang kanilang panalo kontra Rebellion Zion noong Sabado, inihayag ni REKT na maraming magandag pagbabago sa kanilang laro ang dinala ni Wann, na nakasama niya sa M1 World Championship-winning team ng EVOS Legends.

Sa pagbabalik ng 21-year-old midlaner, nabasag ng EVOS ang kanilang two-match losing streak sa kamay ng Rebellion Zion at Aura Fire noong Week 4 at Week 5.

Pero ayon kay REKT, hindi lang in-game impact ang dala ng star player mula Pontianak sa kanilang koponan kundi sa labas din ng laro.

“Salah satu faktor (kembalinya) Wann juga membuat GH kami menjadi lebih ramai. Ini faktor pentingnya kedatangan dia ke EVOS Legends (Isa sa mga epekto ng pagbabalik ni Wann ay mas marami at masaya na sa gaming house. Importante ‘to para sa EVOS Legends),” ani REKT.

Credit: MPL ID

Sa madaling salita, inamin ni REKT na nabuhay ang atmosphere sa EVOS Legends gaming house o boot camp dahil tatlo na silang manlalaro na naging bahagi ng M1 world champion squad.

Tumaas ang morale ng EVOS Legends sa pagbabalik ni Wann at napakahalaga nito lalo na’t ilang linggo na lang ay matatapos na ang regular season ng MPL Indonesia Season 9.


Pagsasalin ito ng akda ni Verdi Hendrawan ng ONE Esports Indonesia.