Tahanan ang Pilipinas sa mga pinakamahuhusay na Mobile Legends: Bang Bang pro player sa buong mundo. Kaliwa’t-kanang parangal na ang naiuwi ng mga Pinoy mula sa iba’t-ibang turneo kabilang na ang M-series World Championship, Southeast Asian Games, at ang MLBB Southeast Asia Cup na dinepensahan ng RSG Philippines.

Isa sa mga tinitingalang manlalaro ay ang jungler ng Kingslayers, na ngayo’y Kings of SEA na rin, na si Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto. Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, ibinahagi ni Demonkite kung paano nagsimula ang kanyang karera pati na rin ang dapat malaman ng lahat tungkol sa pagiging isang pro player.

Ang simula ng MLBB pro player career ni Demonkite

Gusto mo ba maging MLBB pro player? Ito ang maipapayo ni Demonkite sayo
Credit: ONE Esports

Noong ikawalong season ng MLBB Professional League Philippines unang naglaro si Demonkite. Kinuha siya ng RSG Philippines matapos ma-scout sa mga scrims. Marami raw ang nag-recommend sa kanya bilang ‘malakas na funnel’.

“Sa mga scrimming kasi, ‘yung performance na pinapakita ko is parang… lagpas average eh. Parang kahit sinong itapat samin kaya naming talunin,” pagbabalik-tanaw ng manlalaro.

‘Di naman daw tumutol ang mga magulang niya sa pagiging pro player niya, kahit nag-aaral pa siya. Mas inalala pa nga raw nila na baka ma-scam ang kanilang anak o ‘di kaya’y mapahamak, pero unti-unti namang nakumbinse at sumuporta ang mga ito.

Gusto mo ba maging MLBB pro player? Ito ang maipapayo ni Demonkite sayo
Photo courtesy of MSC 2022

“Dati pa lang noong pro [League of Legends] player pa lang ako, pinapatunayan ko na talaga sa kanila na magtiwala lang sila. Kaya ko ‘yung tinatahak kong landas,” kwento ni Demonkite.

Pinarangalan ang ngayo’y 19-taong-gulang na manlalaro bilang rookie of the season noong nakaraang taon. Sa sumunod niyang season, malaki na ang ginampanan niyang papel para mainangat ng Raiders hindi lang ang kampeonato ng MPL Philippines kung hindi pati na rin ng MSC 2022.

Ang dapat malaman ng mga tao sa pagiging pro player

Gusto mo ba maging MLBB pro player? Ito ang maipapayo ni Demonkite sayo
Credit: ONE Esports

Ngayong tanyag na ang lakas ng mga Pinoy MLBB pro player sa buong mundo, tiyak na darami na rin ang mga nais sumunod sa yapak na ‘to. Para sa mga ito, nais ipaalala ni Demonkite na hindi lang ito walang sawang paglalaro.

“Ang pagpo-pro ay hindi parang pangarap na naabot lang basta-basta dahil sobrang daming proseso… dapat mentally ready sila,” paalala ni Demonkite.

Hindi raw maiiwasan ang stress. Madali rin daw ma-out-of-focus dahil sa dami ng distractions mula sa fans at bashers.

“Kailangan malakas ‘yung loob nila kasi talagang maraming pagsubok ‘yung pagdadaanan nila para makamit ‘yung pangarap na hindi lang mag-pro, kung hindi mag-champion din sa Pilipinas,” paliwanag pa niya.

Bilang isa sa mga pinakamalalakas ngayong manlalaro sa eksena, natutunan na raw ni Demonkite na supilin ang mga paghamong ito sa pagpapatibay ng kanyang isipan.

Gusto mo ba maging MLBB pro player? Ito ang maipapayo ni Demonkite sayo
Credit: ONE Esports

“‘Yung mentality ko kasi parang sobrang tibay na kahit ano ‘yung sabihin sa akin ng ibang tao or kahit gaano karami ‘yung stress or problems pa ‘yung ibigay sa akin, talagang hindi ako susuko hangga’t hindi ko nakakamit ‘yung gusto ko,” pagbabahagi ni Demonkite.

Sa pag-angat ng kampeonato sa turneong ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia, nakalapit na si Demonkite sa kanyang gusto—ang mapatunayan ang kanyang lakas sa lahat ng tao sa buong mundo.


Para naman sa mga karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ang basihan ni RSG PH Light sa pagiging magaling na Franco player