Walang nag-akala na malayo ang mararating nila veteran jungler Shemaiah Daniel “SDzyz” Chu at TNC Pro Team sa MPL Philippines Season 9.

Sa katunayan, marami ang nilagay ang TNC sa ilalim ng kani-kanilang pre-season power rankings at ikinagulat na sila ang lumabas na dark horse sa regular season dahil nga naman sa malamlam na performance nila noong Season 8 at pag-rebuild ng kanilang koponan sa pamamagitan ng pagkuha ng players mula sa amateur scene.

Kaya naman masaya si SDzyz sa posisyon nila ngayon sa tumatakbong MPL PH Season 9 playoffs at buo ang tiwala niya na kaya nilang masungkit ang inaasam na kampeonato sa ikalawang season ng respetadong esports organization sa liga.


SDzyz: ‘Tingin ko kaya po talaga namin mag-champion’

Credit: ONE Esports PH

Nakahanap ng remedyo ang TNC sa kamandag ng Smart Omega para mailista ang 3-1 panalo sa kanilang kalkuladong bakbakan sa upper bracket semifinals. Dahil dito, mula sa pagiging bottom finisher noong nakaraang season ay sigurado na ang top three placing para sa Phoenix Army sa gumugulong na liga.

“Noong una po hindi ako makapaniwala,” sabi ni SDzyz sa post-match press conference patungkol sa kasalukuyan nilang posisyon sa playoffs kung saan isang series win na lang ay makukuha na nila ang unang tiket papuntang Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022 at dalawa naman para masunggaban ang MPL title.

Pero ngayon, malakas ang loob ng 19-year-old “Retri God” na kaya nilang pagharian ang liga.

“Ngayon po parang normal na lang po sa’kin (‘yung pakiramdam). Kasi nag-hard work naman po kami lahat kaya tingin ko kaya po talaga namin mag-champion.”

SDzyz
Credit: MPL Philippines

Inilahad din niya na kahit siya ang pinaka-beterano sa koponan, pare-pareho silang nagbibigayan ng payo upang mapabuti ang laro ng bawat isa.

“Pare-parehas po kaming nag-a-advise sa isa’t-isa. Parang walang beterano sa’min. Sila din po, minsan kunwari po nati-tilt ako, sinasabihan din nila ako,” ani ng pambato ng Angeles, na sinimulan ang kanyang MPL career noong Season 5 at bahagi na ng koponan noong kilala pa ito bilang Work Auster Force.


Susubukang ipagpatuloy nila SDzyz at TNC ang kanilang pambihirang run laban sa kapwa rising powerhouse na RSG PH sa upper bracket finals ngayong Sabado sa ganap na ikapito ng gabi.

Winalis ng RSG ang ONIC PH sa iskor na 3-0 sa isa pang upper bracket semis para ma-set up ang kapana-panabik na playoff series laban sa TNC.

Manatiling nakasubaybay sa mga pangyayari sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.