Hatid sa inyo kasama ang Samsung.

Ang Great Dragon Spear ang pinakabagong physical attack item sa Mobile Legends: Bang Bang, na inilabas kasabay ng MLBB patch 1.8.08.

Hango sa armas ng patok na fighter hero na si Zilong, pinalitan nito ang Scarlet Phantom na tinanggal sa pagdating ng bagong patch.

Bitbit nito ang +70 physical attack, +10% cooldown reduction, at +20% critical hit chance. Pero ang talagang pinakabentahe ng item ay ang unique passive effect nito na Supreme Warrior (hango rin sa ultimate ni Zilong na may parehong pangalan).

Mobile Legends: Bang Bang Fighter Zilong
Credit: Moonton Games

Gumagana ang Supreme Warrior pagkatapos mong i-cast ang iyong ultimate. Bibigyan ka nito ng karagdagang 15% movement speed sa loob ng pitong segundo, at may cooldown ito na 15 segundo.

Natural na angkop ang Great Dragon Spear para kay Zilong. Ngunit siyempre, may iba pang heroes na swak ding buuan nito.

Narito ang tatlong hero na pinakamabisang bilihan ng bagong offensive item sa Mobile Legends.


Malahalimaw ang 3 MLBB heroes na ‘to kapag mayroong Great Dragon Spear

Alucard

Mobile Legends: Bang Bang Obsidian Blade Alucard skin wallpaper
Credit: Moonton Games

Una sa listahan ang fighter-assassin hero na si Alucard.

Dahil sa Great Dragon Spear, mas madali na lalo para sa Demon Hunter ang manghabol pagkatapos i-activate ang kanyang ultimate na Fission Wave, na nakakapagbigay sa kanya ng hybrid lifesteal at nakakapagpabagal sa mga kalaban.

Matinding mobility ang hatid ng swabeng kombinasyon ng Supreme Warrior effect mula sa item, first skill niya na Groundsplitter, at passive na Pursuit upang mabilis na masundan ang target kahit pa magamitan siya ng slow effect o iba pang debuff.

Malaki rin ang benepisyo ng attributes ng item para kay Alucard, na kadalasan ay ginagamit ng mga jungler o EXP laner, at nagsisilbi bilang isa sa mga pangunahing damage dealer sa koponan.

Bilang Alucard, mabisang buuin ang Great Dragon Spear pagkatapos makuha ang iyong napiling Boots at Hunter Strike, isa ring item na nakakapagpalakas ng movement speed.


IBA PANG MLBB GUIDES
Gabay sa paglalaro kay Aldous: Best build, mga skill, emblem, at mga combo
3 mabisang pangontra kay Gatotkaca sa MLBB
Mga item na dapat mong bilhin para kay Novaria
Jungle invade sa MLBB: Ano, para saan, at paano ito ginagawa
Bakit si Pharsa lang ang mage hero na kailangan mo para maka-rank up

Roger

Mobile Legends: Bang Bang Cyborg Werewolf Roger skin wallpaper
Credit: Moonton Games

Kabilang din ang fighter-marksman na si Roger sa mga pinakanakikinabang sa Great Dragon Spear ngayon sa Land of Dawn.

Mababa lang ang cooldown ng kanyang ultimate na Wolf Transformation, kaya naman madali para sa Dire Wolf Hunter na ma-trigger ang Supreme Warrior upang magkaroon ng karagdagang movement speed sa pagpitas ng mga kalaban.

Sakto ito sapagkat pangunahing nagmumula ang damage output niya sa kanyang melee o wolf form. Tumpak din ang physical attack, CD reduction, at critical hit chance na dala ng item para sa kanya.

Kung ikaw ay naglalaro bilang Roger, kumuha ka ng Great Dragon Spear pagkatapos ng Windtalker at War Axe. Sa pamamagitan nito, siguradong mabilis ang pag-ikot mo sa mapa para mag-farm at pumitas ng mga kalaban.


Irithel

Mobile Legends: Bang Bang Astral Wanderer Irithel skin wallpaper
Credit: Moonton Games

Hindi maikakaila na kaya nagbabalik-meta ngayon ang marksman hero na si Irithel ay dahil sa pagdating ng Great Dragon Spear.

Paano ba naman kasi, swak na swak ito sa kanyang ultimate skill na Heavy Crossbow at passive na Jungle Heart, kung saan nakakatira siya ng karagdagang pana mula sa kanyang basic attack habang gumagalaw.

Kapag sinamahan pa ng Sprint battle spell at Quantum Charge emblem talent, paniguradong matutunaw niya ang mga kalaban gamit ang kanyang mga nagbabagang palaso, at madali pang makakaiwas sa mga skill dahil sa tindi ng kanyang movement speed.

Bukod pa riyan, critical damage na talaga ang pinapalakas sa naturang marksman, at hindi rin naman ganoon katagal ang cooldown ng kanyang ultimate, kaya naman saktong-sakto ang panibagong item para sa kanya.

Siguraduhin na kung ginagamit mo si Irithel, mag-farm lang muna sa early game at umiwas sa mga clash hangga’t maaari, habang hindi mo pa nabibili ang Great Dragon Spear pagkatapos ng Swift Boots, Windtalker, at Berserker’s Fury.

Bukod kila Alucard, Roger, at Irithel, maganda ring subukan na buuin ang Great Dragon Spear para kila Bruno, Ling, Freya, at Argus.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang guides at mga balita patungkol sa MLBB.

BASAHIN: Roaming blessings sa MLBB: Kaninong heroes swak ang mga ito?