Nagsimula nang mag-recruit ang mga foreign MPL teams ng mga manlalaro mula sa Pilipinas dahil sa dominasyon ng rehiyon sa pinakamataas na lebel ng Mobile Legends competitive scene. Isa sa napapabalitang kukunin ng ibang MPL region ay si dating ONIC PH midlaner Jaylord “Hatred” Gonzales.

Naipanalo ng mga koponan mula sa Pinas ang pito sa 13 international tournaments simula noong 2017, kabilang na ang Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022 na pinagharian ng RSG PH.

Ginawa ng ONIC Esports ng Indonesia ang first move sa pamamagitan ng pagkuha kay Kairi “Kairi” Rayosdelsol at coach Paul Denver “Yeb” Miranda mula sa kanilang sister team na ONIC PH. Napipisil naman ang Geek Fam na iansunyo bilang mga bagong miyembro ng kanilang lineup sina Allen “Baloyskie” Baloy mula ONIC PH at Jaymark “Hadess” Lazaro mula ECHO.

Credit: ONE Esports

Ni-recruit naman ng Burn X Flash Gaming si John Michael “Zico” Dizon ng Nexplay EVOS para magsilbing head coach nila sa MPL Cambodia.

Ngayon naman, usap-usapan na bibida si Hatred para sa isang powerhouse Malaysian squad sa susunod na season.


James ng Team SMG at Zeys ng EVOS Legends nagpahiwatig kung saan maglalaro si Hatred sa susunod na season

Credit: ONE Esports

Unang nag-tweet si Team SMG head coach James “Jamess” Chen patungkol kay Hatred noong ika-8 ng Hulyo kung saan tinanong niya kung saan sunod na papunta ang 19-year-old pro. Ito’y matapos mag-sign umano ang iba’t-ibang Indonesian teams ng former ONIC PH players.

Isang araw matapos ang tweet ni Jamess, biglang nag-congratulate si EVOS Legends head coach Bjorn “Zeys” Ong kay Hatred sa Facebook matapos umanong i-sign ng Team SMG at maging unang Filipino import sa Malaysia.

Credit: ONE Esports

Sa mga panahong iyon, nag-post sa Facebook ang dati ring manlalaro ng Execration ng mga litratong nagpapakita ng tour niya sa Malaysia kasama ang kanyang girlfriend. Bagamat sinabi niya na nagbabakasyon lamang siya sa naturang bansa.

Wala pang anunsyo ang Team SMG tungkol sa kanilang roster para sa susunod na season, pero kinumpirma ng ilang sources ang pag-sign nila kay Hatred, ayon sa artikulo ng Spin.ph.

Hatred kasama ang kanyang girlfriend sa Malaysia
Credit: Jaylord Gonzales

Lumipad ang karera ni Hatred noong kunin siya ng ONIC PH mula sa Execration para sa MPL PH Season 7. Kilala sa kanyang multirole versatility, isa siyang malaking factor sa second-place finish ng PH Yellow Hedgehogs sa MPL PH Season 8 at M3 World Championship.

Ngunit lumamlam ang laro ng ONIC PH pagsapit ng Season 9 kung saan nagtapos sila sa fourth place at kinapos na makakuha ng slot sa MSC 2022. Pinakawalan ng koponan ang kanilang mga manlalaro sa kasagsagan ng offseason at ang natira na lang ay si Nowee “Ryota” Macasa.

Para sa MLBB news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Base ito sa akda ni Jules Elona ng ONE Esports.