Kabilang na rin si Jeff “S4gitnu” Subang sa mga manlalaro na pinakawalan ng Nexplay EVOS papasok sa susunod na season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).

Ito ang inanunsyo ng organisasyon, ilang araw matapos din pakawalan sina Johnwin “Hesa” Vergara, Rainiel “Ureshiii” Logronio, Kenneth “CADENZA” Castro, Michael “MP the King” Endino, at paglipat ng dati nilang coach na si John Michael “Zico” Dizon sa BURN X FLASH, isang koponang naglalaro sa MPL Cambodia.

“It’s an honor to witness you wearing a Nexplay Evos jersey while competing in the highest level. Please never stop chasing greatness because you are born for it,” sulat ng organisasyon.

Ang kampanya ni S4gitnu sa ilalim ng Nexplay EVOS

Nexplay EVOS nagpaalam na rin kay S4gitnu
Credit: Nexplay EVOS

Kinuha ng Nexplay EVOS si S4gitnu mula sa retirement bago sumabak sa MPL PH Season 9. Bago ito, noong ika-anim na season pa ng liga huling naglaro ang manlalaro bilang miyembro ng Execration.

Pinunan niya ang EXP Lane para sa koponan. Sa kahabaan ng season, nakapagtala siya ng 2.10 kill-death-assist ratio mula 14 na mapa na nilaro niya.

Bagamat bigong makalampas sa play-ins ang Nexplay EVOS matapos mabigo kontra ONIC Philippines para mag-settle sa 5th-6th place finish, isang posisyon na mas mababa kumpara sa tinapos ng koponan noong MPL PH Season 8, kinikilala pa rin si S4gitnu bilang isa sa mga beterano ng liga.

Sa ngayon, nakatakda pang ianunsyo ng Nexplay EVOS ang mga miyembro na papalit sa mga manlalarong kanilang pinakawalan.

Matatagpuan naman ang kumpletong listahan ng mga roster change sa MPL PH Season 10 dito.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: E2MAX tampok pa rin sa roster ng Smart Omega para sa MPL PH S10