Naghahanap ka ba ng gabay sa kung sino ang pipiliin para sa ONE Esports Fantasy TI10 Challenge? Maaari makatulong sayo ang Dota 2 pro player na si Dominik “Black^” Reitmeier na inilahad ang kanyang power rankings para sa nalalapit na The International.

Narito kung paano niya ni-rank ang kanyang top 10 teams.


TI10 Power Rankings ni Black

1. PSG.LGD

Credit: WePlay AniMajor

Dahil sa kanilang tagumpay hindi lang sa huling Major kundi pati na rin sa iba pang torneo ngayong taon, siguradong ang PSG.LGD ang paboritong manalo sa TI.

Ang katotohanan na naglaro si Zhang “xiao8” Ning bilang stand-in sa Sapphire DOTA Pit Invitational at halos hindi sila naapektuhan nito ay patunay ng kalibre ng koponan na ‘to.

Sobrang innovative nila at malalim ang stratehiya kaya naman mahirap maghanda kontra sa kanila. Bukod pa doon, nasa kanila ang isa sa pinakamagaling na coach sa kasaysayan ng Dota 2 at isang grupo na puno ng mga beterano, TI winner at TI runner-up.


2. Evil Geniuses

Credit: WePlay! Esports

Ang EG ang obvious choice sa second slot ng TI10 Power Rankings na ito, pangalawa sa PSG.LGD. Sa katunayan, kung ang rankings ay tungkol lamang sa overall performance sa DPC ngayong taon, pwedeng ilaban na karapat-dapat sila sa top spot.

Kasama ang kanilang pinakabagong player na si Daryl Koh “iceiceice” Pei Xiang, ang koponan na ‘to ay nakakamangha at patuloy na gumagaling kada buwan.

Ang tanging dahilan kaya hindi ko sila nilagay sa No. 1 ay dahil pumalya silang isara hindi lang isa kundi dalawang Grand Final ng mga Major ngayong taon, una sa Singapore at sumunod sa Kiev.

Dagdag pa rito, may mga katanungan pang pumapalibot sa koponan dahil limitado ang impormasyon tungkol sa kanila sa labas ng DPC tournaments. Maski ganun, kaya nilang manalo sa TI10 gamit ang kanilang malalakas na stratehiya at mabangis na individual skill.


3. Vici Gaming

Credit: ONE Esports

Nakaranas ang Vici Gaming ng ups at downs sa DPC season ngunit nagkaroon naman ang koponan ng matinding progreso sa kabuuan salamat sa gabay ni coach Fenrir.

Ang pinakamalaking tanong ngayong taon ay kung gaano kaakma si Yang “poyoyo” Shaohaon sa koponan bilang isang bago at hindi pa subok na manlalaro.

Ngunit wala nang dapat ikabahala dahil nahigitan niya ang mga expectation at pinatunayan kasama ang kanyang koponan na kaya nilang makipagsabayan sa mga malalakas.

Stability ang pangalan ng laro ng koponan na ‘to at bihira mo silang makikita na magsayang ng kalamanagan. Kung malakas ang kanilang pagsisimula, asahan mong makakabuo sila ng momentum habang gumugulong ang torneo.


4. Virtus.pro

Credit: WePlay! Esports

Sa kabila ng kanilang nakakadismayang kampanya sa AniMajor, naniniwala ako na ang pinaghalong promising young players at veterans ng VP ay taglay ang lahat ng kailangan para tumagal sa TI.

Madali nilang dinomina ang CIS region patungo sa TI at nasa kanila ang ilan sa mga pinakatalentado at gutom na players sa rehiyon.

Aggression ang krudo ng koponan na ito kaya asahan niyong makita ito sa TI.


5. OG

Credit: OG

Para sa’kin, ang OG ay isa pa rin sa mga pinaka-nakakaaliw panoorin na koponan kahit pa naging mas mahirap ang naging daan nila patungo sa TI ngayon matapos makakuha ng 3-2 nail-biter laban sa Tundra.

Konti lang ang panahon nila para makapaghanda sa pagbabalik ni Syed Sumail “SumaiL” Hassan pero nagpamalas pa rin sila ng teamwork kung saan sila kinikilala.

Ngayong meron silang ilang buwan para mag-practice at mag-gel, umaasa ulit ako ng mga magagandang bagay mula sa koponan na ‘to. Magiging kakaiba ang kwento kung mananalo sila sa TI sa ikatlong sunod na pagkakataon.

Magiging mas mahirap ito para sa kanila ngayong taon pero ito ang mismong sitwasyon kung saan laging lumalakas ang OG. Bukod pa dyan, sinabi ni Topias Miikka “Topson” Taavitsainen na maaaring ito na ang kanyang huling TI kaya sigurado ako na ibibigay nila ang lahat.


6. Team Aster

Credit: Perfect World Esports

Bagamat hindi sila nanalo ng Major gaya ng kapwa Chinese teams na IG at PSG.LGD, ang koponan na ‘to ay mayroon ng lahat ng kailangan upang magtagumpay.

Dominante ang Team Aster sa China DPC pero hindi nila madala ito tungo sa mga kampeonato sa mga torneo.

Sa kabila nito, steady pa rin ang pag-improve nila sa pamumuno ni coach LaNm at makikita mo talagang pinag-isipan ang kanilang mga stratehiya at game plan.

Maaaring sabihin na wala sila masyadong karanasan sa LAN bago ang mga Major kaya naman pwede nitong maapektuhan ang kanilang performance sa TI. Gayunpaman, naniniwala ako na malaki ang potensyal ng koponan na ito at sana maipakita nila ‘yon sa TI10.


7. Team Secret

Credit: DreamHack Dota

Nahirapan ako magdesisyon kung saan ilalagay ang Team Secret sa TI10 Power Rankings na ‘to. Walang kuwestiyon na isa sila sa mga top 10 sa TI at dominante sa simula ng season, ngunit nahirapan sa second half ng taon.

Hindi sila halos naglaro sa labas ng DPC kaya naman mahirap basahin ang kasalukuyang lebel ng gameplay nila kumpara sa mga koponan na mas aktibo.

Meron sila ng lahat ng piyesa na kakailanganin para manalo sa TI10 at hiling ko na mag-perform sila sa lahat ng makakaya nila. Si Clement “Puppey” Ivanov ang nag-iisang player na nakapunta sa lahat ng TI at dahil sa magandang rason–isa siyang napakhusay na kapitan at paniguradong ginawa niya ang lahat para maging handa ang kanyang koponan sa pinakamalaking torneo ng taon.

Kapag nakuha nila ang kanilang momentum patungong TI10, napakhirap pigilan ang napakalakas na duo nila Matu at Nisha.


8. Invictus Gaming

Credit: ONE Esports

Sa kabila ng kanilang kampeonato sa ONE Esports Singapore Major, ang mga performance ng IG kamakailan ay nakakabahala. Posible na naging kampante sila matapos manalo ng Major ngunit malinaw na nahihirapan sila makakuha ng panalo kamakailan.

Gayunpaman, may dahilan kung bakit pinagharian ng koponan na ito ang pinakaunang Major ng taon. Matinik ang kani-kanilang individual skill dagdag mo pa ang isa sa pinakabeteranong coach sa China na si Su “super” Peng kaya naman nakakatakot silang kalabanin kahit sino pa ang katapat.

At isa pa, pinatunayan nilang kaya nilang i-handle nang mabuti ang pressure matapos ilista ang isa sa pinakamabangis na 3-2 reverse sweep sa kasaysayan nang pabagsakin nila ang EG sa Singapore Major.


9. T1

Credit: T1

Sobrang taas ng ceiling ng T1, ngunit ang dahilan kaya ko nilagay sila sa ganito kababang pwesto sa aking TI10 Power Rankings ay ang kanilang paulit-ulit na problema: ang inconsistency.

Isang araw sila ang pinakamagaling na koponan sa buong mundo at sa susunod ay maaaring talunin sila ng isang koponan kung saan hindi dapat sila matalo. Gayunpaman, marami silang oras para maghanda at si coach March ay talaga namang mahusay. Kung magiging consistent sila, hindi ako masosorpresa kung maipapanalo nila ang torneo!

Noong kinuha nila si Nuengnara “23savage” Teeramahanon, naging pure aggression ang playstyle ng koponan na ito. Kung hindi mo sila mapipigilan agad, siguradong babalagbagin ka nila at pupwersahing makakuha ng maagang panalo.


10. Elephant

Credit: Perfect World

Para sa akin, itong last slot ang pinakamahirap piliin. Pinagpipilian ko ang Elephant, Quincy Crew at Alliance pero sa huli ay pumabor ako sa Elephant dahil sa simpleng rason na ang player roster na ito ay nakikitang isa sa pinakamalakas na koponan sa torneo.

Sa kasamaang palad, ang reyalidad ay madalas na nakakadismaya at ganoon nga ang kaso dito. Bagamat sila ay isang superstar team sa papel, nahirapan sila sa China DPC at hindi pa rin nila nailalabas ang kanilang tunay na potensyal.

Pero kung maaayos nila ito sa TI, ang kanilang koponan ay kayang-kaya na gumawa ng deep run sa kompetisyon. At dahil nga sa lahat ng ekspektasyon sa koponan na ito, kailangan na nilang ipakita sa mundo kung ano talaga ang kaya nilang gawin.


Ito’s pagsasalin sa Filipino ng orihinal na akda ni Dominik “Black^” Reitmeier