Umarangkada ang Bren Esports at RSG PH kasama ang dalawa pang amateur teams patungo sa ikalawang bahagi ng SIBOL Mobile Legends: Bang Bang qualifiers matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa unang bahagi nitong Biyernes.

Pumasok ang Bren Esports at RSG PH maging ang Origen Esports at El Ganador Esports sa Phase 2 Qualifiers kung saan makakalaban nila ang invited teams na Blacklist International, Onic PH, Nexplay EVOS at Smart Omega.

Credit: SIBOL

Bigo namang makausad ang ECHO Philippines sa pangalawang bahagi ng tryouts para sa Mobile Legends division ng national esports team.

Ibabandera ng mananalo sa SIBOL ML qualifiers ang Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam sa Mayo at sa iba pang international tournaments ngayong taon.

Matatandaang nagkampeon ang SIBOL Mobile Legends squad sa 30th SEA Games na idinaos sa Pilipinas noong 2019. Binubuo ang gold medal-winning team nila Angelo “Pheww” Arcangel, Allan “Lusty” Castromayor (Bren Esports), Kenneth Jiane “Kenji” Villa (RSG PH), Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno (ECHO), Jeniel “Haze” Bata-anon (Nexplay EVOS), CJ “Ribo” Ribo (inactive) at Jason “Jay” Torculas (inactive).


Ang kampanya ng Bren Esports at RSG PH sa SIBOL ML Phase 1 Qualifiers

Credit: SIBOL

Swabe ang naging takbo ng M2 world champion team na Bren Esports patungo sa top four ng Phase 1 Qualifiers na nagtampok ng best-of-three single elimination format.

Winalis ng mga bata ni coach Francis “Duckey” Glindro ang Sensei Gang, BigBang Esports at Cerebrum Pro para maselyo ang kanilang pwesto sa Phase 2.

Pinatumba naman ng RSG PH ang Crowzero Esports, 2-0, bago paluhurin ang kapwa MPL PH team na ECHO, 2-1, sa second round. Kinumpleto ng koponan ni 2019 SEA Games winning coach Brian “Panda” Lim ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 2-0 sweep kontra sa Monster Anarchy.

Gaya ng sa Bren, naging malinis din ang takbo ng Origen Esports na winalis ang Dauntless Fury, Ethereal Dawn at Friends. Samantala, tinalo ng El Ganador Esports ang Mabalasik (2-0), Raven Claw Esports (2-0) at Cerebrum Fatales (2-1).


Magsasalpukan ang walong koponan sa SIBOL Mobile Legends Phase 2 Qualifiers mula ika-27 hanggang ika-30 ng Enero at inaasahang ila-livestream ang mga laban dito.

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa SIBOL national esports team.