Pinalagan ng Blood Thirsty Kings (BTK) ang SIBOL MLBB team sa kanilang hamon sa isang showmatch sa realme Mobile Legends Cup (RMC) Season 6 Grand Finals, kung saan pinatunayan ng American team na kaya nilang talunin ang SEA Games gold medalists.

Dumating ang BTK sa RMC Season 6 Grand Finals sa huling minuto bago magsimula ang showmatch upang palitan ang Team Dogie na haharap sa SIBOL.

Sa bakbakan ng dalawang koponan ay kapansin-pansin na hindi naglaro ang V33Wise duo, na binubuo nina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna and Danerie James “Wise” Del Rosario, para sa showmatch. Sa kabilang banda naman, si Kier “Ichiji” Sambajon ang naglaro kapalit ni Victor ng BTK.

BTK tinalo ang SIBOL sa RMC Season 6 Grand Finals showmatch

BTK vs SIBOL Showmatch RMC Season 6
Credit: realme

Sa unang game ay sinubukan ng Esmeralda ni Ichiji, sa tulong ng BTK roamer na si SHARK sa kanyang Atlas, na i-shutdown si Kiel “OHEB” Soriano. Ngunit nabigo sila na pigilan ang Filipino Sniper, dahil na rin sa tulong nina Salic “Hadji” Imam at Russel Aron “Eyon” Usi, na nagresulta sa pagkuha ng SIBOL sa Game 1.

Bumawi naman sa Game 2 ang ikalawang Pinoy na miyermbro ng BTK dahil ang kanyang Dyrroth na naging susi sa pag-predict ng mga galaw ng Philippine team, dahilan upang makuha nila ang ikalawang game sa kabila ng pagdumog sa kanya ng mga kalaban upang itabla ang series sa score na 1-1.

Pinaluhod ng pambansang koponan ng MLBB ang American team sa Game 3 sa score na 20-2, nang puntiryahin nila ang Chou ni SHARK at Baxia ni Michael “MobaZane” Cosgun, na nagtapos sa 0/7/0 at 1/7/0 KDA.

Hindi nagpadaig ang BTK at siniguradong makakaganti sila sa ikaapat na game ng series. Nasolusyunan nila ang signature Estes pick ng Blacklist sa tulong ng Mathilda ni SHARK, Julian ni ZIA, at ang nakakagulat na jungle Thamuz pick ni MobaZane, na pumwersa sa series na magkaroon ng Game 5.

Kabaligtaran ng nangyari sa Game 3, nangibabaw sa kabuuan ng laban ang BTK sa huling game ng series na nagdikta ng kapalaran ng bawat koponan. Gamit ang makunat nilang lineup, na binubuo ng Uranus, Balmond, at Grock, sinigurado nilang kontrolado nila ang jungle sa buong mapa at hindi nakapag-contest ang mga kalaban.

Isa sa mga pinakamagandang highlights ng laban ay ang last-second Torn Apart Memory ng Brody ni Ian “FwydChickn” Hohl na nagresulta sa isang Triple Kill, para sa isang two-for-four exchange sa 5-minute mark ng Game 5.

Credit: BTK Facebook fan page

Natapos ang series sa score na 3-2 para sa BTK, isang patunay na nararapat lang na kilalanin ang American team bilang isang malakas na pwersa sa mundo ng competitive MLBB.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.