Ipinakilala na ng Bigteron Alpha ang coach na gagabay sa kanila sa gumugulong na ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Indonesia (MPL ID), matapos ang isang linggong pagharap ng CEO nitong si Edwin “Starlest” Chia sa mga laban ng koponan.

Ito ay walang iba kung hindi ang dating coach ng TNC Pro Team na si Vrendon “V” Pesebre.

Sa katunayan, may mga tanda nang kumuha ng Filipino coach ang Bigetron Alpha para sa kanilang kampanya ngayong season. Aksidenteng nabunyuag kasi ito ni Starlest sa isang livestream bago ianunsyo ang kanilang roster.

May dalawang silweta rin sa teaser video ng kanilang roster na inasahang para sa coach at analyst. Pagpasok ng unang linggo, humalili muna si Starlest bilang coach ng koponan habang hindi pa nakaklaro ang KITAS, o limited stay permit card na kailangan para makapagsilbi ang mga Pinoy sa MPL ID, ng mga import.

Coach Vren ,magsisilbing coach ng Bigetron Alpha

Bago ipakilala si Vren bilang coach ng Bigetron Alpha, inanunsyo muna ng koponan ang paglisan ni Starlest bilang coach ng koponan para pagtuunan ng pansin ang kanyang tungkulin bilang CEO. Maya-maya, opisyal nang ipinakilala ang Pinoy sa opisyal na Instagram page ng koponan.

Bagamat hindi kasing tunog nina Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza, Michael “Arcadia” Bocado, o Francis “Duckey” Glindro para sa mga fans ng MPL ID, matibay na patunay ang pag-import ng Bigetron Alpha kay Coach Vren sa kanyang kakayahang mamuno.

Sa katunayan, siya ang coach ng TNC noong nakaraang season. Nagtapos ang kanilang kampanya noon sa ikatlong puwesto, mula sa 7th-8th place noong ikawalong season ng MPL Philippines. Matatandaang isa ang koponan nila sa pinakamahusay na gumamit ng Jungle emblem at Demon Slayer talent.

ex-TNC coach Vren, lumipat sa Bigetron Alpha
Credits: MPL Philippines

Samantala, si Coach Vren naman ang ikatlong Pinoy na coach na lumipat sa MPL ID matapos ang naunang anunsyo kina Coach Denver “Yeb” Miranda ng ONIC Esports at Coach Arcadia ng RRQ Hoshi.

Tiyak na kaabang-abang kung paano mahuhubog ni Coach Vren ang bago niyang koponan, na pinagbibidahan din ng Pinoy gold laner na si Mark Christian “Markyyyyy” Capacio.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Tank Benedetta ni Wise pinanatiling undefeated ang Blacklist International sa MPL PH S10