Magsisimula na ang ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).

Para salubungin ang pinaka-iintay na turneo, nagsama-sama ang ilan sa mga casters at analysts ng liga, kabilang na si Karl “Rockhart” To, para ilista ang kanilang power rankings sa OMSIM, isang podcast na hatid ng ONE Esports Philippines.

Gaya ng karamihan, pinangibabawan ng RSG PH at Blacklist International ang MPL PH S10 power rankings ni Rockhart. Pero ayon sa batikang analyst, mas lamang ang kampeon ng M3 World Championship pagdating sa pag-adapt sa mga pagbabago, kumpara sa MLBB Southeast Asia 2022 champions.


Ang MPL PH S10 power rankings ni Rockhart

  1. Blacklist International
  2. RSG PH
  3. Smart Omega
  4. ECHO
  5. Nexplay EVOS
  6. TNC Pro Team
  7. BREN Esports
  8. ONIC Philippines

Ang bentahe ng Blacklist International papasok sa MPL PH S10, ayon kay Rockhart

MPL PH S10 power rankings ni Rockhart: Consistent ang RSG PH, pero mas mabilis mag-adapt ang Blacklist International
Credit: Blacklist International

Nabanggit ni Rockhart ang pagbabalik sa liga nina Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario matapos magpahinga noong nakaraang season. Hindi maipagkakaila ang dagdag-puwersang kanilang maiaambag para sa Blacklist International, pero ani Rockhart, hindi lang ito ang dahilan kung bakit mas angat sila kumpara sa RSG PH.

“We’ve seen their ability to cope up with big changes mid season and I think if there’s a big change that that’s happening this season, most likely, Blacklist ‘yung mas mauuna,” paliwanag ng analyst.

MPL PH S10 power rankings ni Rockhart: Consistent ang RSG PH, pero mas mabilis mag-adapt ang Blacklist International
Credit: ONE Esports

Kadalasan ay sa kalagitnaan ng MPL season ibinabagsak ng Moonton ang mga update sa Project NEXT. Kargado ang naturang event ng mga malalaking pagbabago sa laro na tiyak makagugulo sa kung ano mang meta ang naitatag bago ilapag ito.

Pero dahil solido ang coaching staff ng Blacklist International, na binubuo nina Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza, Aniel “Master The Basics” Jiandani, at Dexter “DEX STAR” Alaba, iginiit ni Rockhart na kayang-kaya ma-decode ng koponan ang ano mang pagbabagong iharap sa kanila.

“Mas tiwala ako sa consistency ng RSG PH, pero sa biglang change, doon ako mas tiwala sa Blacklist,” diin ni Rockhart.


TNC Pro Team, nasa ika-anim na puwesto sa MPL PH S10 power rankings ni Rockhart

MPL PH S10 power rankings ni Rockhart: Consistent ang RSG PH, pero mas mabilis mag-adapt ang Blacklist International
Credit: TNC Pro Team

Isa sa mga gumalat sa liga noong nakaraang season ay ang TNC. Maraming naglagay sa kanila sa ilalim ng power rankings bago magsimula ang ikasiyam na season, pero nagawa nilang pabulaanan ang mga ito nang magtapos ang kanilang kampanya sa ikatlong puwesto.

Gayunpaman, naipakita na raw ng mga Phoenix ang tugatog ng kanilang performance at maaaring wala na silang ipakitang bago para sa papasok na season. Ito ang dahilan kung bakit nakalista ang TNC sa mas mababang puwesto sa MPL PH S10 power rankings ni Rockhart.

“… As strong as they are, as consistent as they were, ‘yon na ‘yon eh,” aniya.

Walang nabago sa roster ng TNC papasok sa ika-10 season ng MPL PH, pero nagkaroon ng mga bagong miyembro sa kanilang coaching staff. Pinasok kasi bilang kapalit ni Vrendon “Coach V” Lin ang dating manager ng Dota 2 team ng koponan na si Paulo “Coach 413” Sy.

Para kay Rockhart, hindi naman daw sana kailangan baguhin ang aspetong ito, pero nais pa rin niyang malaman kung paano ito pagaganahin ng koponan.


Rockhart: ‘Okay para sa ECHO na same vibes sina Coach Arcadia at Coach Tictac”

MPL PH S10 power rankings ni Rockhart: Consistent ang RSG PH, pero mas mabilis mag-adapt ang Blacklist International

Malaking factor ang pagiging agresibo at linis ng decision making ng mga koponan para sa MPL PH S10 power rankings ni Rockhart. Ito ang dahilan kung bakit aniya’y dapat abangan ang ECHO ngayong papasok na season ng liga.

Bukod daw kasi sa tila hindi pagkakalayo ng ‘vibe’ ng dating coach ng koponan na si Michael “Arcadia” Bocado at bago nilang coach na si Harold Francis “Tictac” Reyes, kargado rin ang ECHO ng mga miyembro na kayang mangibabaw sa bawat lane.

“I think we forgot—a lot of us forgot—na ECHO actually was starting off lang last season na magkakasama and they already showed such a good showing. So what more now na hindi nagbago masyado yung lineup and they had more time to work together? I would expect more from this team,” dagdag ni Rockhart.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: MPL PH Season 10: Storylines, schedule, resulta, format, at saan mapapanood