Napuno na naman ng malulupit na bakbakan at maaanghang na sagutan sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 sa pagdaraos ng ikaapat na linggo nito.

Bagamat nalasap ang nila ang unang pagkatalo ngayong season, nanatili pa rin sa tuktok ng eight-team standings ang ECHO.

Ilan naman sa mga naganap sa MPL PH Season 9 Week 4 ang first time mangyari sa gumugulong na season.


Ang mga naganap sa MPL PH Season 9 Week 4

Day 1 – March 11

Credit: MPL Philippines

“Day of firsts” ang naging tema ng pambungad na araw ng MPL PH Season 9 Week 4.

Nagawang maselyo ng M2 world champion team na Bren Esports ang kanilang unang panalo ngayong season matapos patumbahin ang kanilang besties na Smart Omega, 2-1, sa likod ng Aulus ni Mujahid “Lord Malikk” Malik at Mathilda ni Dale “Stowm” Vidor.

Nalasap naman ng ECHO ang kanilang unang pagkatalo sa kamay ng M3 World Championship runner-up ONIC PH. Sa Game 3 ng makapigil-hiningang serye, nagpasiklab si star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol sa unang Helcurt pick ngayong season upang maipako ang comeback sa laro at ang 2-1 reverse sweep para sa ONIC.

Day 2 – March 12

Credit: MPL Philippines

Sa unang match ng ikalawang araw ng MPL PH Season 9 Week 4, bumida ang rookies na sina Kenneth “Cadenza” Castro sa Jawhead at Michael “MP the King” Endino sa Karina para pangunahan ang agresibong laro ng Nexplay EVOS sa deciding Game 3 ng kanilang 2-1 victory kontra TNC Pro Team.

Nasaksihan naman sa ikalawang serye ang unang Savage ngayong season na ipinukol ni Smart Omega gold laner Duane “Kelra” Pillas gamit ang Beatrix upang isara ang kanilang 2-1 panalo laban sa Blacklist International. Sa post-match interview, sinabi ni Kelra na “siyempre ako pa rin po ang pinakamagaling na mag-Beatrix sa lahat – sa buong Pilipinas.”

Inabot din ng Game 3 ang tapatang RSG PH at ONIC PH pero sa huli ay nanaig pa rin ang Raiders sa pangunguna ni Season 8 Best Rookie Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto sa kanyang Lancelot. Nag-step up din sa kanyang season debut ang beteranong midlaner na si Dexter “Exort” Martinez, na humalili muna sa may sakit na si Arvie “Aqua” Antonio.

Day 3 – March 13

Credit: MPL Philippines

Nakabalik sa winning track ang TNC matapos walisin ang bottom team na Bren Esports sa tulong ng Kagura ni rookie midlaner Jomarie “Escalera” Delos Santos.

Napurnada naman ang star match ng MPL PH Season 9 Week 4 dahil hindi nakarating ang Nexplay EVOS sa venue na nagbigay ng madaling default 2-0 win para kina Tristan “Yawi” Cabrera at ECHO.


Standings sa pagtatapos ng MPL PH Season 9 Week 4

Nangunguna pa rin ang ECHO hawak ang 6-1 series record para sa 18 points habang napanatili ng TNC at RSG ang kanilang pwesto sa standings.

Umangat naman ang ONIC PH at tumabla sa puntos ng Nexplay EVOS na nawalan ng tsansang umangat dahil sa default defeat.

MPL PH Season 9 Week 4 standings

Para sa karagdagang balita patungkol sa MPL Philippines at Mobile Legends, maaari niyong masubaybayan ang mga ito sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.