Malinis na 6-0 win-loss record ang naitala ng SIBOL sa group stage ng Mobile Legends: Bang Bang event ng 31st Southeast Asian Games.

Matapos ang mga naunang tagumpay kontra kinatawan ng Malaysia at Laos, tinuldukan ng pambato ng Pilipinas ang kanilang kampanya sa group stage gamit ang isa pang 2-0 tagumpay kontra Myanmar para mapangibabawan ang Group A nang may siyam na puntos.

SIBOL, winalis ang Myanmar; Aabante sa final stage ng 31st SEA Games MLBB

Tila dalawang uri ng SIBOL, na binubuo ng mga miyembro ng Blacklist International, ang naglaro kontra bagong henerasyon ng MLBB players ng Myanmar.

Sa unang mapa ng best-of-two, masusing tinrabaho ng mga Pinoy ang kanilang kalaban. 14 kills ang pinukol ng koponan sa loob ng 14 minuto matapos makalusot ang Mathilda ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna, na pinarisan ng Baxia ni Danerie James “Wise” Del Rosario.

6-0: SIBOL winalis ang group stage ng 31st SEA Games MLBB
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Pero ‘pag pasok sa ikalawang mapa ng serye, tila ipinabatid naman ng mga pambato ng Myanmar na kaya rin nilang maglaro nang kasing linis ng SIBOL.

Muntik pa nilang ma-etsa-puwera ang debut ni Russel “Eyon” Usi, na gumamit ng Xavier, matapos nilang magpaulan ng kills buong laban. Gayunpaman, nanaig pa rin ang pagkabeterano ng pambato ng Pilipinas.

Ipinamalas ng mga miyembro ng Blacklist International ang husay nila sa pag-control ng neutral objectives, matapos makipagsayaw sa may Lord area nang higit limang minuto. Nang maselyo na nila sa wakas ang naturang layunin, napatunayan ng koponan na hindi sapat na sukatan ang dami ng kills para masabing lamang sa laban.

Dahil sa pangingibabaw ng SIBOL sa group stage, makaka-abante sila sa final stage ng MLBB event. Haharapin nila sa semifinals ang mananalo sa second seed tiebreaker ng Group B sa pagitan ng Vietnam at Singapore.

Inaasahang iraraos ang mga laban sa final semifinals at bronze match sa ika-19 ng Mayo, simula sa ganap na ika-10 ng umaga.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Sibol Wild Rift women’s team sinungkit ang gintong medalya sa SEA Games matapos dominahin ang Singapore sa finals