Kinuha ng Talon Esports si Thai carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon para sa kampanya nito sa susunod na Dota Pro Circuit (DPC) Tour na magsisimula sa susunod na buwan.

Inanunsyo ng Talon ang pagkuha nila sa dating position-1 player ng T1 sa social media isang araw matapos i-recruit ang kapwa niya Thai pro na si hard support Worawit “Q” Mekchai.

Credit: Talon Esports

Tila trade ng carry players ang naganap sa pagitan ng Talon at T1. Kamakailan lang ay naging opisyal nang miyembro ng T1 ang former Talon carry na si Kim “Gabbi” Santos matapos niyang magsilbing stand-in ng koponan sa DPC SEA Regional Finals.

Naglaro si Gabbi para sa Talon sa DPC SEA Tour 1 Division 2 ngunit sa kabila ng kanilang star-studded lineup na kinabibilangan din ni Tal “Fly” Aizik ay pumalya silang makaangat sa Division 1 ng susunod na Tour.


Ang karera ni 23savage sa T1

T1
Credit: T1

Pinalitan ni 23savage si Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong bilang carry ng T1 noong Marso ng nakaraang taon sa kabila ng pag-qualify ng koponan sa wild card stage ng ONE Esports Singapore Major.

Matapos pagharian ang DPC 2021 Season 2: Southeast Asia Upper Division, nakasunggab sila 23savage at T1 ng third-place finish sa WePlay AniMajor na ginanap sa Kyiv, Ukraine.

Kasunod nito ang pagsungkit nila sa kampeonato sa ESL One Summer 2021 at fourth place sa ESL One Fall 2021 kaya naman isa sila sa mga paboritong koponan sa The International 10.

Sa kanilang unang sabak sa TI, naitala ng T1 ang Top 8 finish na may kaakibat na premyong US$1,000,500 (mahigit P50 milyon).

Credit: Valve

Napagdesisyunan ng T1 na manatiling buo pagkatapos ng TI10, ngunit hindi sila nakabalik sa tuktok ng SEA Dota at nagtapos lamang sa third place sa DPC SEA Tour 1 Division 1.

Sa DPC Regional Finals, tinukoy ni Kuku ang communication aspect kaya kinuha nila si Gabbi para magsilbing stand-in carry pamalit kay 23savage.

Sa kasalukuyan, naglalaro ang unang 12K MMR player bilang stand-in ng Motivate Trust Gaming sa BTS Pro Series Season 10.


Dota 2 roster ng Talon Esports

1 – Nuengnara “23savage” Teeramahanon

2 – Rafli Fathur “Mikoto” Rahman

3 – Damien “kpii” Chok

4 – Brizio Adi “Hyde” Putra Budiana

5 – Worawit “Q” Mekchai

Sunod na iaanunsyo ng Talon Esports ang coach nila para sa susunod na DPC Tour.

Susubukan ng revamped roster ng Talon na ma-promote sa SEA Division 1 kung saan pinaglalaban ang DPC points at slots ng rehiyon sa mga Major.


Maaari niyong sundan ang DPC roster shuffle sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.