Nanatiling matibay ang ECHO at TNC Pro Team sa tuktok ng standings sa pagtatapos ng ikalimang linggo ng mga nagbabagang bakbakan sa MPL Philippines Season 9.

Nasilat ng TNC ang No. 1 spot nang isang araw bago ito bawiin ng ECHO. Samantala, nagkaroon ng palitan sa pwesto ang Blacklist International at Smart Omega habang ang ibang koponan ay nanatili sa kani-kanilang kinatatayuan.

Tampok din sa MPL PH Season 9 Week 5 ang ikalawang savage ng season na inilista ni ECHO star jungler Karl “KarlTzy” Nepomuceno gamit ang kanyang world championship Lancelot.


Ang mga naganap sa MPL PH Season 9 Week 5

Day 1 – TNC at ONIC PH nagwagi

Credit: MPL Philippines

Kinumpleto ng ONIC PH ang isang season sweep kontra sa reigning MPL PH at M3 champion na Blacklist International sa pamamagitan ng isang 2-1 victory kung saan bumida ang Ling ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol sa Game 3. Sa kabila nito, sinabi nila Kairi at gold laner Marky “Markyyyy” Capacio na marami pang kailangang i-improve ang kanilang koponan.

Sa closing series ng MPL PH Season 9 Week 5 Day 1, nilista naman ng TNC ang 2-1 reverse sweep laban sa Smart Omega matapos magpamalas ng isang perfect game sa pangunguna ng Jawhead ni captain-roamer Ben “Benthings” Maglaque sa huling laro.

Day 2 – Pinakamalaking upset ng season ipinako ng Bren Esports

Credit: MPL Philippines

Naganap sa ikalawang araw ng MPL PH Season 9 Week 5 ang marahil na pinakamalaking upset ng season nang walisin ng bottom team na Bren Esports ang league-leader at super team ng ECHO sa iskor na 2-0. Nagpasiklab ang rookies na sina Vincent “JOY BOY” De Guzman at Marco “SUPER MARCO” Requitano para makuha ng Bren ang kanilang unang three points sa tumatakbong season.

Bago nito, pinadapa ng RSG PH ang Nexplay EVOS sa ikalawang sunod na pagkakataon ngayong Season 9 sa pamamagitan ng isang malinis na 2-0 panalo kung saan nagpakitang-gilas ang former NXP member na si Dexter “Exort” Martinez.

Nasunggaban ng TNC sa unang pagkakataon ang solo No. 1 matapos pagbidahan ng Lolita ni Benthings ang Game 3 ng kanilang 2-1 reverse sweep victory kontra Blacklist. Sa post-match interview, iginiit ni rookie gold laner Jomarie “Escalera” Delos Santos na hindi sila magpapakampante kahit nasa tuktok na sila ng liga.

Day 3 – ECHO bumawi para makabalik sa top spot

Credit: MPL Philippines

Sinimulan ng naglalagablab na laban sa pagitan ng ONIC PH at Nexplay EVOS ang MPL PH Season 9 Week 5 Day 3. Sa huli ay nanaig pa rin ang ONIC sa iskor na 2-1 dahil sa isang malamilagrong play sa late game mula sa Franco ni captain Allen “Baloyskie” Baloy.

At sa huling sagupaan sa MPL PH Season 9 Week 5, tinuldukan ng signature Lancelot ni KarlTzy ang madiin na 2-0 bounce-back win kontra Smart Omega sa pamamagitan ng isang mabangis na savage. Dahil sa panalo, muling hinawakan ng ECHO ang No. 1 spot sa standings.


Standings sa pagtatapos ng MPL PH Season 9 Week 5

Painit na nang painit ang karera ng mga koponan patungo sa MPL PH Season 9 playoffs lalo pa’t nasa ikalawang half na ng regular season ang liga.

Narito ang kasalukyang standings:

MPL PH Season 9 Week 5 standings

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook upang manatiling updated sa mga kaganapan sa MPL Philippines Season 9.