Nangunguna sa pre-season power rankings ng batikang caster/analyst na si Neil “Midnight” De Guzman ang RSG PH, Blacklist International at ECHO para sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 10.

Ibinahagi ni Midnight sa ikatlong episode ng OMSIM, isang podcast na hatid ng ONE Esports Philippines, ang kanyang power rankings na hindi niya lang umano ibinase sa roster ng mga koponan kundi sa tumatakbong patch, na ayon sa kanya ay mabigat na pinapaboran ang mga koponang nagbabandera ng superstar players.

Ang MPL PH S10 power rankings ni Midnight

  1. RSG PH
  2. Blacklist International
  3. ECHO
  4. TNC Pro Team
  5. Smart Omega
  6. Nexplay EVOS
  7. Bren Esports
  8. ONIC PH

Nasa RSG PH, Blacklist International at ECHO ang superstars ng liga, sabi ni Midnight

Credit: MSC

Para sa beteranong caster/analyst, matatagpuan sa top 3 ng kanyang power rankings “‘yung mga mechanically-skilled players, ‘yung mga superstars” na pinapaboran nga ng kasalukuyang patch.

Nabanggit ni Midnight sina MPL PH S9 MVP Dylan “Light” Catipon at Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto habang ang iba naman ay pawang flexible players ng Raiders. Aniya, “‘Pag tinignan mo ang lineup ng RSG PH, they are the team that most benefitted from the recent patch” at masasaksihan sa darating na season ang RSG na isang super team.

Bentahe rin umano ng RSG PH ang pagpapahinga nila nitong offseason. Matapos kasing pagharian ang MSC 2022, hindi sila sumali sa SIBOL qualifiers para sa 14th World Esports Championship ng International Esports Federation (IESF) upang paghandaan ang kanilang title defense sa S10. Binigyang-diin din niya ang paggabay nila coach Brian “Coach Panda” Lim at coach Karl “Giee” Barrientos.

Credit: ONE Esports

Tampok naman sa Blacklist International ang nagbabalik na V33Wise duo na sina Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario. Pero wika ni Midnight, “They deserve the right to manage expectations kasi kakabalik lang ng V33Wise even though binubugbog nila ang international teams. And let’s be honest, maraming Filipino teams na punching bag ang ibang bansa.”

Magiging malaking factor din umano ang patch dahil na-nerf ang ilang heroes ni Wise lalo na ang mga tank-junglers. “Time and time again, patch ang kalaban ng Blacklist. Actually, ‘di na MPL teams ang kalaban ng Blacklist, patch na mismo.”

Credit: MPL Philippines

Nakikita naman ni Midnight si Karl “KarlTzy” Nepomuceno na superstar ng ECHO dahil na rin sa patch. Nabanggit din niya si Sanford “Sanford” Vinuya na personal umano niyang nasaksikhan ang mechanical skills at mentality. Interesante rin aniya na makita ang pag-mix and match ng Orca sa kanilang players matapos magsalang ng dalawang koponan sa IESF qualifiers.


TNC sa No. 4, Smart Omega sa No. 5

Credit: TNC Pro Team

Ipinaliwanag naman ni Midnight kung bakit niya nilagay ang TNC sa ikaapat na pwesto kahit pa nagkamit sila ng third-place finish sa nakaraang season at ang Smart Omega naman sa ikalima sa kabila ng runner-up finish sa MPL PH at third place naman sa MSC 2022.

Maaari umanong ma-disrupt ang playstyle ng TNC sa pagpasok ng dating manager ng kanilang Dota 2 team na si Paulo “Coach 413” Sy bilang head coach sa paparating na season. Hindi rin nila ginalaw ang kanilang six-man lineup mula sa S9, pero naniniwala siyang makapapagpasiklab pa rin ang Phoenix Army dahil kay Shemaiah Daniel “SDzyz” Chu.

Credit: MPL Philippines

Gaya naman ng marami, inaasahan din ni Midnight na mag-a-underperform muna ang Smart Omega sa first half ng regular season bago gumana ang “Omega magic” sa mahahalagang bahagi ng liga. Sinabi rin niya na kailangang mag-step up ni jungler Dean “Raizen” Sumagui dahil sa pag-usbong muli ng “superstar heroes” gaya nila Lancelot at Paquito, kasama pa ang posibilidad na maging starting support si Kiel VJ “Kielvj” Hernandez sa halip na si kapitan Patrick “E2MAX” Caidic.


Nasa ilalim ang Nexplay EVOS, Bren Esports at ONIC PH

Credit: Nexplay Esports

Para naman sa dating koponan ni Midnight na Nexplay EVOS, sinabi niya na magiging problema nila ang pagkakaroon ng greedy players sa mapa. “Ito ‘yung mga players na you don’t expect them to sacrifice their own game for the sake of the game of their teammates, parang ‘yun ang nakikita ko.”

Nakasalalay umano sa kanilang bagong coach na si Paolo “Pao” Villanueva (dating miyembro ng ECHO) kung paano babaguhin ang mentalidad ng NXPE players.

MLBB Bren Esports MPL PH S10 roster
Credit: Bren Esports

Kailangan naman umanong ayusin nila world champion coach Francis “Duckey” Glindro at Bren Esports ang paghahalo ng kanilang players upang mahanap ang swabeng chemistry at makapagsalang ng magandang lineup sa kanilang MPL matches.

Medyo mabigat naman ang binitawang opinyon ni Midnight patungkol sa ONIC PH, na kinuha ang roster ng amateur squad na Monster Anarchy para sa MPL PH S10: “Real talk sa real talk, I don’t see Monster Anarchy as a strong team, in my opinion. Pero they have great potential.” Pangunahing suliranin umano ng nasabing koponan ang consistency.

Credit: ONIC PH

Para sa MPL PH at MLBB updates, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.